top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Hirit ng mamamayan: Angkas, payagan!

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 2, 2019
1 min read

ILANG pasahero ang tiyak na matutuwa dahil ngayon ay lusot na sa ikalawang pagbasa ang panukala upang maging legal bilang pampublikong transportasyon ang mga motorsiklo.

Matatandaang, nagpalabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema noong Disyembre para patigilin ang operasyon ng Angkas ngunit, lingid sa kaalaman ng lahat, marami pa rin sa mga driver ang gumawa ng paraan para maipagpatuloy ito kung saan gumamit pa sila ng iba’t ibang social media para makipag-usap sa kanilang mga pasahero kahit iligal, gayundin, buo pa rin ang tiwala ng mga pasahero sa kanila.

Sa totoo lang, sa estado ng trapik sa bansa, higit na makatutulong ang Angkas o Habal-Habal para kahit papaano, eh, makaiwas sa matinding trapik ang karamihan, lalo na ‘yung mga malalayo pa ang trabaho at eskuwelahan.

Ayon sa mga kinauukulan, kapag naging batas na ito, aamyendahan ng House Bill 8959 ang Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.

Sa ngayon, isinusulong ng mga kongresista na kilalanin ng Department of Transportation (DOTr) ang operasyon ng mga motorcycle taxi at ma-regulate ang sistema ng motorcycle for hire tulad nang ginawa sa Grab at iba pang ride hailing app.

Bagama’t, convenient ang pagmomotor at mapakikinabangan ng karamihan, dapat mag-ingat pa rin tayo nang sa gayun ay maiwasan natin ang anumang aksidente na maglalagay sa atin sa kapahamakan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page