4TH TITLE PAKAY NG LADY SPIKERS VS. EAGLES SA UAAP ’81 VOLLEY


SISIMULAN ng reigning women’s titlist De La Salle ang kanilang kampanya sa UAAP Season 81 volleyball tournament sa pagsagupa sa kanilang archrival Ateneo de Manila sa ikalawang araw ng torneo sa Pebrero 17 sa Mall of Asia Arena.
Ganap na 4 p.m. ang nasabing maagang tapatan ng Lady Spikers na naghahangad ng kanilang ika-4 na sunod na titulo at ng dating 2-time champion Lady Eagles.
Mauuna rito, sisimulan naman ng University of Santo Tomas ang pagbangon mula sa hindi magandang pagtatapos noong isang taon sa pagharap nila sa Adamson University ganap na alas-2 ng hapon.
Hindi nakaabot ang Golden Tigresses sa Final Four noong 2018 makaraang tumapos na may 4-10 panalo-talong marka.
Magsisimula naman ng kanilang kampanya ang Lady Falcons matapos mag-graduate ang isa sa kanilang ace hitter na si Jema Galanza.
Nakatakdang magsagupa sa opening day na gaganapin sa FilOil Flying V Center sa San Juan ang University of the Philippines at University of the East sa Pebrero 16 sa unang laro ng 2 p.m.
Magtutuos sa ikalawang laban ang Season 80 runner-up Far Eastern University at nakaraang taong no.4 squad National University. (VA)





Comments