Nakakita ng passport at pera sa barko

Salaminin natin ang panaginip ni Nhoverjhayson ng Nhoverjhayson_Aying @fecevook. com
Dear Professor, Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko na nakasakay daw ako sa barko kung saan kulay asul ‘yung dagat, tapos, sa unahan ay nakakita ako ng passport na may lamang barya? Maraming salamat!
Naghihintay, Nhoverjhayson
Sa iyo Nhoverjhayson, Pinag-a-abroad ka na ng iyong tadhana. Ito ang mensahe ng iyong panaginip kaya mag-abroad ka na ngayon!
Huwag mong biguin ang iyong tadhana at sundin mo ang iniuutos sa iyo at makaaasa ka na maaabot mo ang iyong mga pangarap.
Maraming Pinoy ang nangangarap na makapag-abroad, pero hindi nila ito magawa dahil hindi nakatakda sa kanilang kapalaran ang pangingibang-bansa. Ang iba naman ay dahil sa paniniwalang sila ang masusunod kung ano ang kapalaran nila, kaya imbes na gumanda ang kanilang kinabukasan, eh, napapahamak pa sila.
Mayroon ding kahit inuutusan na ng tadhana ay ayaw pa ring mag-abroad, kaya ang buhay nila ay hindi na umasenso at walang narating sa buhay na kahit na ano. Ang nakasakay ka sa barko ay nagsasabing, ikaw ay maglalakbay, kaya ito ang mismong mag-abroad, ka. Bagama’t, hindi eroplano ang napanaginipan mo, dapat mong malaman na ang dagat ay simbolo ng katuparan ng mga pangarap.
Ang isa pang simbolo ng katuparan ng mga pangarap ay ang kulay asul na ang sabi ay “lubusan mo ng natupad ang mga ambisyon mo sa buhay”.
Ang passport ay direktang iniuugnay sa pag-a-abroad. Eh, ang mga barya, ano ang kahulugan nito na may kinalaman sa pag-a-abroad? Sa maniwala ka o hindi, ang kahulugan ng mga barya ay nagsasabing, “umalis ka na”, kumbaga, pumunta ka na sa ibang bansa.
Kaya sa oras na aalis ka na, ganito ang tiyak na sasabihin sa iyo ng mga mahal mo sa buhay, kaya huwag kang magagalit sa kanila. Panghuli, gusto kong sabihin sa iyo na maligayang paglalakbay, Nhoverjhayson!
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments