top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

3 tulak utas sa pulis

  • Jeff Tumbado / Levi Gonzales
  • Feb 1, 2019
  • 2 min read

TATLONG hinihinalang tulak ng iligal na droga ang napatay sa anti-drug operation na ikinasa sa magkakahiwalay na lugar kung saan nagresulta sa pagkakakumpiska sa mahigit P14 milyon halaga ng kontrabando sa Cebu.

Sa bayan ng Balamban, nasabat ang nasa 2.1 kilos ng high grade shabu matapos ang buy-bust operation na isinagawa alas-11:00 ng gabi ng Miyerkules sa Bgy. Prenza kasabay sa pagkakapatay ng pulisya sa dalawang high value target (HVT).

Tinukoy ng pulisya ang mga suspek na sina Quazar Quiachon, 42, at ang kanyang itinuturong kanang-kamay na si Don San Diego, kapwa residente ng Talisay City, Cebu.

Base sa report kay Senior Insp. Alejandro Batobalanos, bigla umanong pinaputukan ang ilang undercover agent ilang sandali nang pagbentahan ng mga suspek ng nasa P180,000 halaga ng shabu.

Rito na nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga operatiba ng Cebu Provincial Police Office-Drug Enforcement Unit, Provincial Intelligence Branch at ng Balamban Police Station na nagresulta sa pagkakapatay sa dalawa.

Sinubukan pa umanong dalhin ng pulisya ang dalawang suspek sa ospital subalit, idineklarang dead-on-arrival ang mga ito.

Ayon kay Batobalanos, matagal na umano nilang isinailalim sa surveillance si Quiachon dahil sa talamak na pagtutulak nito ng droga sa ilang bahagi ng lungsod kaya rito na sila nagkasa ng operasyon laban sa kanya.

Samantala, sa bayan ng Argao, patay din sa police operation ang lagari maker na si Richard Padin nang makipagbarilan ito sa pulisya pasado alas-5:00 ng umaga ng Huwebes.

Kasabay sa pagkakapaslang ng mga awtoridad sa tulak ng shabu ay ang pagdakip din sa live-in partner nito na si Virgie Sumalinog.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa mahigit P10,000 halaga ng shabu.

Lumalabas na si Sumalinog ang humahalili kay Padin sa pagtutulak ng droga kapag papasok na ito sa trabaho bilang tagagawa ng lagari sa bayan.

Samantala, isa umanong kilalang drug pusher ang pinagbabaril ng riding-in-tandem sa Bgy. Sambat, Tanauan City, Batangas.

Batay sa imbestigasyon, alas-4:50 ng hapon, sakay sa Toyota Vios ang nasawing si Rhandel Rivera kasama ang dalawang kasama na sina Robemar Perez at Rona Perez at patungo sa direksiyon ng A. Mabini, nang harangin at pagbabarilin ang kanilang sasakyan.

Agad napuruhan sa ulo ang biktima na daglian nitong ikinamatay habang nagtamo rin ng matinding tama sa katawan ang dalawang kasama nito.

Isinugod sila sa pagamutan ngunit, dalawa ang kumpirmadong nasawi.

Patuloy ang pagsasagawa ng kapulisan sa pagkakakilanlan ng suspek at nasa likod ng krimen.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page