Panawagan sa mga commuter, tubig at iba pang liquid items, bawal na sa MRT at LRT!

DAHIL sa sunud-sunod na pagpapasabog sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng maraming tao, nabahala ang mga awtoridad hindi lamang sa Mindanao kundi maging sa Kamaynilaan kung saan ngayon ay todo-higpit na sila sa seguridad ng karamihan.
Bukod sa kasado na ang full alert sa Metro Manila kahit wala pang direktibang pagbabanta ay ipinagbabawal na rin ang pagdadala ng liquid items sa MRT at LRT kabilang na ang mga bottled water.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director General Guillermo Eleazar, ginawa nila ito dahil mayroong mga liquid item na mayroong harmful chemical na maaaring magdulot ng panganib sa buhay ng mga pasahero.
Gayunman, tiyak magiging aberya ito sa mga matatanda at magulang na may dalang bata na kinakailangan uminom ng tubig na pamawi sa init dulot ng pakikipagsiksikan tuwing sumasakay sila sa mga bagon ng MRT, gayundin, sa mga pasahero na karamihan ay metikuloso sa katawan at kalusugan, lalo na ngayong usung-uso ang sakit kaya nagdadala sila ng mga liquid item tulad ng pabango, alcohol at marami pang iba.
Kung hinihigpitan na ang mga linya ng tren ang checking ng bags at x-ray procedures, baka puwedeng ikonsidera ang pagdadala ng tubig na kinakailangan ng karamihan at kung may nakitang mapanganib sa loob ng bag ng pasahero ay saka na lamang ito kumpiskahin.
Samantala, hiling natin na matapos na ang mga insidenteng nagaganap sa kasalukuyan at magkaroon na tayo ng maayos at mapayapang bansa!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments