Mandatory ROTC, aprub na sa komite ng kamara
- Vyne Reyes
- Jan 31, 2019
- 1 min read

NAKALUSOT na sa House Committee on Basic Education and Culture ang panukalang buhayin ang mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) para sa mga nasa Grades 11 at 12 (senior high school) sa mga pampubliko at pribadong eskuwelahan sa buong bansa.
Sa pagdinig ng komite, nagmosyon ang isa sa mga kongresista na pagtibayin na ang substitute bill at agad itong naaprubahan ng walang pagtutol.
Binuo ang substitute bill batay sa mga nilalaman ng inihaing tatlong panukalang-batas patungkol dito na layong amyendahan ang Republic Act No. 7077 o Citizen Armed Forces of the Philippines Reservist Act.
Nilalayon ng panukala na imulat sa kabataan ang pagiging makabayan, pagrespeto sa karapatang-pantao at pagsunod sa Konstitusyon.
Ituturo rin sa kanila ang pagseserbisyo-publiko at ang mga trabaho ng militar, pulisya, BJMP, coast guard, Department of Health at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Magiging requirement sa graduation ang pagsasailalim sa ROTC training.
Gayunman, sinasabing exempted sa pagsasanay sa ROTC ang mga estudyante na hindi maituturing na physically o psychologically fit; ang mga dumaan o patuloy pang sumasalang sa military training at ang mga pinili ng eskuwelahan na magsilbing varsity player na pambato sa sports competition.
Kinakailangang aprubado ng Department of National Defense ang exemption at may rekomendasyon ng education institution na kinabibilangan nito.





Comments