top of page

Malinaw ayon sa palad... MISIS NA NAKATAKDANG MAKASAMA ANG ASAWA, HABAMBUHAY

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 31, 2019
  • 3 min read

KATANUNGAN

  1. Mula nang magka-Facebook account ako, naging sobrang seloso na ng mister ko. Naiinis ako dahil pati ‘yung mga kaibigan ko sa FB ay pinagseselosan niya kahit simpleng like lang ang ginagawa.

  2. Dati hindi naman siya ganito, pero masyado siyang iritable sa buhay mula nang nagkaedad siya at nag- maintenance. Dahil dito ay madalas na kaming magkasagutan at magkatampuhan na dating hindi naman. Pero, sa huli, naaawa ako sa kanya kaya kinikibo ko siya at ako na ang humihingi ng pasensiya at nagpapakumbaba.

  3. Ang problema, hindi na ako masaya sa sitwasyon namin dahil madalas ay wala na rin siyang gana. Kapag nag-iisa ako, nasasabi ko sa aking sarili na parang hindi na siya ‘yung dating lalaki na pinakasalan ko, parang ibang-iba na siya ngayon.

  4. Iniisip ko nga minsan na makipaghiwalay na sa kanya. Kapag nangyari ‘yun, makapag-aasawa pa kaya akong muli kahit nagkakaedad na ako?

KASAGUTAN

  1. Sa paglipas ng mga taon, ‘yung babae o ‘yung lalaking dati nating pinakalasan ay ibang-iba na talaga ngayon.

  2. Lalung-lalo na sa pisikal na kaanyuan dahil hindi maiaalis o maiiwasang tumatanda ang tao.

  3. ‘Yun ngang dati kong kaklase sa high school na hindi ko na lang babanggitin ang pangalan dahil malamang nagbabasa siya ngayon ng BULGAR, noong nag-aaral pa kami ay saksakan siya ng ganda dahil Ms. St. Lawrence siya at siya ang palaging ipinanlalaban ng aming school kapag may beauty contest, pero nu’ng kumustahin ko siya nang magkita kami sa department store, hindi ko sinasabing pumangit na, pero masasabi kong hindi na kagandahan. Mukha na siyang belekoy dahil tumaba na siya, kumulubot ang mukha at nilamon na rin ng katandaan ang dating nakagigil niyang katawan at nakaaakit niyang ngiti at karisma.

  4. Kaya ‘yung dating pinakasalan mo 25 years ago ay talagang mag-iiba na ngayon, hindi lang sa pisikal na anyo kundi pati na rin sa pag-uugali.

  5. Ano ang magagawa natin, eh, sadyang tumatanda talaga ang tao. Kaya kapag nagbago ang ugali at pisikal na anyo ng inyong asawa, aba, huwag na ‘wag kayong magtataka dahil lahat tayo ay tumatanda.

  6. Dahil tulad ng naipaliwanag na, hindi lang pisikal na anyo ang tumatanda, pati na rin ang konteksto ng isipan, ang pag-uugali at maging ang pananaw sa buhay.

  7. Samantala, Ms. Lonely, malabo at talagang hindi mangyayari ang unconscious wish mo na magkahiwalay kayo ng iyong mister at makapag-asawa kang muli kung saan ito ang nais sabihin ng kaisa-isa, tuwid, makapal at malinaw na Marraige Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung sino ang pinakasalan mong lalaki, kahit sabihin pang nagbago na siya, hindi mahahadlangan ang nakatakda, siya pa rin ang panghabambuhay mong makakasama, sa hirap at ginhawa. Bagama’t, marami kang tiisin ngayon, tila ito rin halos ang itinakda sa iyo ng tadhana dahil nagtataglay ka ng birth date na 12 o 3 (1+2=3) at nag-kataong 3 rin ang destiny number mo (3+12+1968= 1983/ 19+83=102/ 10+2=12/ 1+2=3) sa zodiac sign na Pisces kung saan malabo mo nang matakasan ang mga tiisin at problemang nabanggit, maliban na lang kung tulungan, ayudahan at maging concern ka na gumaling na ang iyong mister upang sa sandaling magbalik sa normal ang kanyang pisikal na pangangatawan, makababalik na rin ulit sa normal ang inyong buhay, partikular ang inyong sexual life.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Tandaang, hindi pisikal na anyo ang sukatan ng tunay na pag-ibig at pagmamahalan kundi pagtitiis at sakripisyo alang-alang sa lalaki o babaeng iyong pinakasalan.

  2. Kaya, imbes na isipin mong makipaghiwalay sa iyong mister, lalo mo siyang mahalin upang kapag ikaw naman ang nagkasakit ay aalagaan ka rin niya at mamahalin.

  3. Sa ganyang paraan, naipadarama ang pagmamahalan ng mag-asawa para manatili ang isang masaya at panghabambuhay na relasyon.

  4. Ayon sa hindi pumangit na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad na nagsasabing, kaunting tiis na lang dahil siguradong darating ang panahong babalik na muli ang pagiging matikas ni mister sa kama, kasabay nito, muli na ring babalik ang dating mainit at masarap ninyong pagtitinginang hahantong sa isang maligaya at panghabambuhay na pagsasama.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page