Kung maaari pang mabawi ang ari-ariang nakuha ng estado kahit sampung taon na ang nakalipas
- BULGAR

- Jan 31, 2019
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Magandang araw! Sampung taon na ang nakararaan nang pumanaw ang tiyahin ko. Hindi na siya nakapag-asawa at ako na lamang ang naiwan niyang kamag-anak, gayunman, nanirahan ako nang matagal sa ibang bansa. Nabalitaan kong kinuha na ng estado ang mga naiwan niyang ari-arian sampung taon na rin ang nakararaan. Nais kong malaman kung maaari ko pang mabawi ito? — Elsa
Dear Elsa, Para sa inyong kaalaman, sang-ayon sa Article 1014 ng “New Civil Code of the Philippines” na nagsasaad na:
“Art. 1014. If a person legally entitled to the estate of the deceased appears and files a claim thereto with the court within five years from the date the property was delivered to the State, such person shall be entitled to the possession of the same, or if sold the municipality or city shall be accountable to him for such part of the proceeds as may not have been lawfully spent.”
Malinaw sa nasabing batas na maaaring mabawi ang ari-arian na nakuha ng estado kung ang taong nararapat na makatanggap nito ay magpa-file ng claim tungkol dito sa loob ng limang (5) taon mula sa araw na nailipat sa pangalan ng estado ang nasabing mga ari-arian. Sa inyong sitwasyon, dahil sampung (10) taon na ang nakalipas mula nang mailipat sa pangalan ng estado ang nasabing mga ari-arian, hindi na ninyo ito maaari pang mabawi.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments