Kahit rumesbak na sa death threat sa kanila ni Arjo…SYLVIA, AYAW PA RING TANTANAN NG MGA FANS NI MAI
- BULGAR

- Jan 31, 2019
- 2 min read

RAMDAM ng halos lahat ng dumalong press sa nakaraang mediacon ng pelikulang Jesusa ang sobra-sobrang pagmamahal at pagpapahalaga ni Sylvia Sanchez sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang mga anak na sina Arjo at Ria Atayde.
Nakiusap siya na kung maaari ay para sa kanya na lang ang “bala” ng mga nagbabanta sa buhay nilang mag-iina.
Matagal na panahon ding itinago ng Kapamilya actress ang saloobin tungkol sa pamba-bash sa kanilang pamilya, pero sa kauna-unahang pagkakataon ay ‘di na nito napigilan ang magsalita.
May iilan pa ring netizens na halatado namang fans ni Maine ang patuloy pa rin sa pagbibigay ng negatibong komento sa interview ng Jesusa lead actress, pero mas marami ang nakikisimpatya at nagbibigay ng lakas ng loob at paghanga sa ginawa ni Sylvia.
Sa presscon din ng Jesusa namin nalaman na si Sylvia pala ang tipo ng artista na mas gustong kinakausap nang maayos ng direktor kesa sa sinisigawan at pinagagalitan.
Paliwanag ng aktres, mas ‘di siya makapagpokus at ‘di maibigay ang karakter na ginagampanan ‘pag natetensiyon siya at ‘di kampante, at ito ang siniguro niya sa direktor ng Jesusa na si Direk Ronald Carballo bago niya tinanggap ang proyekto.
Sa kabilang banda, dumaan man sa ‘di biru-birong pamba-bash mula sa ilang AlDub Nation fans, nagpapasalamat naman ang aktres sa patuloy na magagandang nangyayari sa career nilang mag-iina.
Heto’t bukod sa mahusay na pagganap sa pelikulang Jesusa kung saan isang inang nalulong sa droga ang role na ginagampanan ni Sylvia, nagsimula na rin ang taping ng seryeng Project Kapalaran kung saan makakasama niya sina JM de Guzman at maituturing na una niyang nakatambal sa mga dati niyang pelikula na si Joey Marquez.
Samantala, hinahangaan ang husay na ipinapakita ng anak ni Sylvia na si Arjo sa seryeng The General’s Daughter bilang si Eli, samantalang isang serye ang maaari na ring simulan ng anak niyang si Ria sa ABS-CBN.





Comments