Holdaper utas sa pulis

PATAY ang hindi pa nakikilalang holdaper nang tangkain nitong manlaban sa mga nagpapatrulyang tauhan ng Manila Police District-Station 3, kahapon ng madaling-araw sa Sta. Cruz, Manila.
Inilarawan ni PO2 Enjason Fernandez ang suspek na nasa edad 40-45, armado ng kalibre .45, na namatay dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Una umanong hinoldap ng suspek ang biktimang si Buendin Corpuz, 21, kung saan natangay ang belt bag na naglalaman ng P1,200, alas-3:10 ng madaling-araw sa Lacson Avenue corner Hizon St. Sta. Cruz, Manila.
Nagkataong nakita ng biktima ang mga nagpapatrulyang tauhan ng MPD-PS 3 kaya humingi ng tulong at itinuro ang tumatakas na suspek.
Inabutan ng mga pulis sa panulukan ng Lacson Avenue at M. Hizon St., Sta. Cruz, ang suspek pero nang makita na paparating ang pulis, agad niya itong pinaputukan dahilan para siya gantihan ng putok.
Isinugod ang suspek sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) subalit, idineklarang patay, alas-4:00 ng hapon.





Comments