top of page
Pokwang.jpg

Drug den ni-raid, 10 arestado

Maeng Santos
Jan 31, 2019
1 min read

SAMPUNG hinihinalang sangkot sa iligal na droga ang naaresto sa buy-bust operation na nagresulta rin sa pagkakabuwag ng umano’y drug den sa Caloocan City, kahapon ng madaling- araw.

Kinilala ni Caloocan Police Chief Sr. Supt. Restituto Arcangel ang mga naaresto na sina Billy Fuentes alyas Buknoy, 32, liaison officer ng DPWH; Gilbert Salazar, 36; Aries Alqubaise, 29; Ar-Ace Salazar, 30; Ajay David, 24; Jomari Castro, 19; Junie Isanan, 20; Mark Wilfred Ignacio, 21; Christian Mark Ramirez, 20, at Giejay Tresvalles, 25.

Ayon kay Caloocan Police Deputy Chief for Administration Supt. Ferdie del Rosario, ala-1:00 ng madaling-araw nang isagawa ng mga operatiba ng SDEU at PCP-7 sa pangunguna nina PCI Rengie Deimos at PSI Jeraldson Rivera ang buy-bust operation kontra sa dalawang drug pushers na sina Fuentes at Gilbert sa Bgy. 160.

Matapos iabot ng mga suspek ang sachet ng shabu kay PO1 Mark Ronald Esliza na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P12,000 marked money, napansin ni Fuentes na pulis ang kanilang katransaksiyon.

Agad tumakbo si Fuentes na hinabol naman ng mga operatiba hanggang sa makorner ito sa loob ng isang bahay kung saan naaktuhan ang walo pang nagsa-shabu.

Ani PO1 Aian Jay Gamayon, bukod sa buy-bust money at nabiling shabu, narekober pa sa mga suspek ang apat na plastic sachets na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng shabu, isang nakabukas na plastic sachet ng shabu at ilang drug paraphernalias.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page