Huwag puro kita ang nasa isip | Mga bumababoy sa Manila Bay, makonsensiya naman kayo
- BULGAR

- Jan 30, 2019
- 3 min read
SUBUKAN nating pumunta sa Manila Bay ngayon at mamamangha tayo sa kalinisang ating makikita.
Dalawang araw pa lang ‘yan, ano pa kaya kung dalawa, tatlong taon na ang nakalipas baka mag-ala-Boracay Island ang dating maruming Manila Bay?
Marami ang nag-post sa Facebook ng mga larawang nagpapakita ng bagong hitsura ng Manila Bay matapos ang unang araw ng paglilinis nito.
Makikitang malinis at maaliwalas ang bahagi ng dagat sa Bay Promenade, habang enjoy na nanonood ng magandang “Manila Sunset” ang mga tao.
Sa isa naman ay makikitang may buhangin pa sa harap ng “beach” ng Manila Bay. Nagulat ang maraming netizens at sinabing hindi nila akalaing may buhangin pala sa Manila Bay!
Noong Linggo ang paglulungsad ng Manila Bay Rehabilitation Project na pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ang tawag ni DENR Secretary Roy Cimatu sa proyekto ay “Battle for Manila Bay.”
“Ito ay laban na hindi gagamit ng dahas o armas, sa halip ay ang matinding paninindigan na maibalik ang Manila Bay sa dati nitong kagandahan. Kapag nagpasya ang mga tao na sumama sa laban na ito at determinado silang magtrabaho, panalo tayong lahat,” sabi ni Sec. Cimatu.
Pagkatapos ng solidarity walk kung saan 5,000 volunteers at empleyado ng gobyerno ang sumama, nagsimula ang paglilinis sa Manila Bay. Nangolekta ng mga basura ang mga tao hanggang sa matapos ang araw ng Linggo.
Sumatutal ng nakolektang basura sa unang araw pa lang ng paglilinis — 45 tonelada ng basura na inilulan sa 11 trak ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Nagsimula rin ang paglilinis sa bahagi ng Manila Bay sa Cavite at pati na rin ang mga estero at ilog sa Bulacan, Pampanga, Bataan, Navotas at Las Piñas.
Nakatataba ng puso ang ganitong pangyayari. Nagtutulung-tulong ang mga ahensiya ng gobyerno kasama ang pribadong sektor sa paglilinis ng ating likas na yaman, ang Manila Bay.
Sa mga sutil d’yan, sigurado tayong ang sa-sabihin nila ay “sa umpisa lang ‘yan”. Hindi, ibahin ninyo ang administrasyong Duterte na tulad ng ginawa nito sa Boracay Island, kapag sinabi nilang gagawin nila ang paglilinis ay itaga natin ‘yan sa bato.
Noong unang inanunsiyo ang pagsasara sa Isla ng Boracay para malinisan ito, maraming umalmang dilawan.
Marahil, marami sa may-ari ng mga resort sa Boracay Island ay mga taga-Aklan at Roxas, mga elitistang dilawan na ayaw kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, itinuloy pa rin ng gobyerno ang pagpapasara sa Isla ng Boracay ng anim na buwan. Ang resulta? Napakalinis nito ngayon.
Nawala ang mga basura at hindi na amoy imburnal ang beach. Inayos na lahat ng tubo at sewer.
Ngayon, ang Manila Bay naman ang gustong linisin ng administrasyong Duterte. Mas malaking hamon ito.
Mas maraming kaaway sa layuning ito kabilang na ang malalaking hotel, korporasyon, restoran at iba pang business.
Pero, naniniwala tayong marami sa mga negosyong ito ay boluntaryong tutulong sa gobyerno sapagkat alam nilang kapag nalinis ang Manila Bay ay lalong darami ang bilang ng mga turistang pupunta sa lugar at lalago pa ang mga negosyo nila. “Win-win”, ‘ika nga nila.
Habang naniniwala tayong mas maraming makabayan na negosyante, mayroon din d’yan na kokontra. Kaya kailangan pa rin ang kamay na bakal para sa mga sutil na susuway o nagpakita ng paglabag sa batas ng Clean Water Act.
Umpisa pa lang, nagbigay na ang DENR sa pamamagitan ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ng cease and desist orders laban sa tatlong establisimyento na hindi sumusunod sa mga batas sa pagprotekta ng kalikasan.
Ang tatlong ipinasara ay ang Aristocrat Restaurant sa Roxas Boulevard, Gloria Maris Restaurant sa CCP Complex at Esplanade o San Miguel by the Bay.
Ayon kay LLDA General Manager Jaime Medina, ang tatlong restorang ito ay naglalabas daw ng maraming dumi sa mga estero, ilog at iba pang daanang-tubig na patungong Manila Bay.
Bawal ang ganito, dapat “treated” muna ang dumi at tubig ng mga establisimyento bago ito ilabas sa mga tubo.
Naghain din ang DENR-LLDA ng notices of violations laban sa mga establisimyento ng SM Prime Holdings, Aliw Inn, Sea Residences, Lolo Taba at Lolo Pato Restaurant.
Ano ba naman ‘yung mag-invest ng kaunti sa water treatment at sewer facilities para hindi madagdagan ang dumi ng Manila Bay.
Huwag puro kita ang nasa isip. Makonsensiya naman tayo at simulang tumulong na pagandahin ang bayan natin.





Comments