Pagbaba ng criminal liability sa 12-anyos, lusot na

PINAGTIBAY na ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang substitute bill o ang inamyendahang panukala sa pagpapababa ng edad na may matatawag na social responsibility mula sa kasalukuyang 15-anyos tungo sa 12.
Sa botong 144 pabor at 34 tumutol, nakalusot na ang House Bill 8858 o ang An Act Expanding the Scope of the Reformation and Rehabilitation of Children in Conflict with the Law and Strengthening the Social Reintegration Programs.
Inaamyendahan sa panukala ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 o Republic Act 9344 na nagtatakdang 15 ang minimum na edad na may pananagutan sa batas.
Sa ilalim ng House Bill 8858, ang mga menor-de- edad na masasangkot sa mga kasong murder, parricide, infanticide, serious illegal detention, rape, rape with homicide, carnapping at illegal drugs ay isasailalim sa mandatory confinement para sa rehabilitasyon sa Bahay Pag-asa.
Pero hindi ihahalo ang mga bata sa mga nakatatandang detenido at hindi rin sila tatawaging kriminal.
Papatawan ng isang buwan hanggang anim na buwang pagkakapiit ang mga magulang ng mga batang kinasuhan na tatangging sumailalim sa mandatory intervention program.
Parurusahan din ang mga tao o sindikatong gagamit ng mga menor-de-edad sa paggawa ng krimen.
Kapag naging convicted na ang bata, ilalagay sila sa agricultural camp sa ilalim ng pamamahala ng Bureau of Corrections at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).





Comments