Karagdagang prebilehiyo sa mga estudyante, malaking tulong!

LIBRE na ang matrikula sa kolehiyo, ngunit, hindi rito humihinto ang iba pa nating mga itinutulak na panukala para sa ikagagaan at ikagiginhawa ng mga kabataan sa kanilang pag-aaral.
Taas-baba ang presyo ng mga pangunahing bilihin natin ngayon, kasama na ang kagamitan at serbisyo para sa edukasyon ng mga estudyante tulad ng kanilang pang-araw-araw na transportasyon papuntang eskuwelahan at pauwi ng kanilang tahanan.
Iba’t ibang istorya ang ating natatanggap mula sa mga bata maging sa kanilang mga magulang na palaging absent sa klase dahil wala silang pamasahe para makarating sa paaralan.
Mayroon din namang nais makasama sa fieldtrip o extra-curricular activities, pero wala silang sobrang panggastos para rito.
Marami sanang magagandang oportunidad bilang karagdagan sa kanilang kaalaman.
Sayang ang mga ganitong pagkakataon kung hindi nila mae-enjoy dahil sa kakapusan.
Suportado natin ang lahat ng magagandang ideya o proyekto na may kinalaman sa kapakanan at kinabukasan ng mga bata kaya kung posible namang mabigyan ito ng prayoridad ng pamahalaan, bakit hindi natin gawin?
Kung kaya ng mga mambabatas na makabuo ng batas na nakapagbibigay ng mga prebilehiyo at diskuwento sa mga senior citizen at may mga kapansanan, ibig sabihin, posible rin natin itong maiparanas sa mga kabataan.
Iniakda natin ang Senate Bill No. 1226 o Student Privilege Act of 2016 para mapagka- looban ang mga estudyanteng naka-enroll sa elementary, high school at kolehiyo sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ng Student Privilege Identification Card para sa iba’t ibang pang-araw-araw na discounts.
Kapag naging ganap na batas ito, makakukuha sila ng mga sumusunod na prebilehiyo:
20% discount sa mga Public Utility Bus (PUB), Public Utility Jeepney (PUJ), taxi, Asian Utility Vehicle (AUV), shuttle service at public railway tulad ng Light Rail Transit (LRT), Mass Rail Transit (MRT) at Philippine National Railway (PNR).
10% para sa mga textbook at mga school supply.
5% diskuwento sa entrance fee sa mga art gallery, sinehan, library, cultural at stage theater event.
Libreng entrance fee sa mga museo at national historical shrine sang-ayon sa pag-apruba ng National Museum o ng National Historical Commission of the Philippines.
Walang tigil nating ipinaglalaban sa Senado ang mga proyektong magpapabuti sa kapakanang pampinansiyal, pang-edukasyon, pangkalusugan at pangkabuhayan ng mga kabataan at sa kanilang pamilya.
Pasado na ang ating panukala sa Senado at ngayon ay hinihintay na lamang nating makalusot ito sa Kamara hanggang sa maiakyat kay Pangulong Rodrigo Duterte upang pirmahan ang pagsasabatas nito.
Ang pagkakaroon ng mataas na kalidad ng edukasyon ang una nating binibigyan ng prayoridad dahil lubos ang ating pagmamalasakit sa mga kabataan na makapagtapos sila ng pag-aaral at maabot ang kanilang mga pangarap.
Sila ang susunod na makikinabang sa kaunlarang kinakamit ng bansa natin ngayon, kaya ang kanilang determinasyon at karunungan ngayon ay napakahalaga at makaaapekto sa kinabukasan ng ating bayan!





Comments