Eksklusib na ospital sa PCG, umusad na

INAPRUBAHAN na sa ikalawang pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang-batas na layong magpatayo ng Philippine Coast Guard General Hospital para sa mga miyembro, kanilang dependents at mga retiradong uniformed personnel.
Binibigyang-diin sa House Bill 8833 o Philippine Coast Guard General Hospital Act na isa ang PCG sa mga ahensiya ng gobyerno na umaayuda kung may emergencies at kalamidad kaya may pangangailangan na maprotektahan din ang kapakanan at pangangailangang medikal ng mga tauhan nito.
Binabalak na itayo ang ospital sa Coast Guard Base sa Lower Bicutan sa Taguig City.
Maliban sa pagbibigay ng komprehensibo at kumpletong health care services sa lahat ng mga uniformed at non-uniformed personnel at dependent, layon din ng panukala na magbigay ng naaangkop na healthcare program para sa mga ito.
Ang PCG General Hospital din ang magsasagawa ng medical examination sa lahat ng trainee ng institusyon.
Ang Department of Transportation ang inaatasan na lumikha ng mga programa para sa konstruksiyon at operasyon ng PCG General Hospital at ang pondo ay isasama sa taunang General Appropriations Act.





Comments