Baguio, nagtala ng pinakamababang temperatura

LALO pang gininaw ang mga residente at turista sa Baguio City matapos makaranas ng pinakamababang temperatura ngayong taon.
Naitala ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang 9.8 degree Celsius alas-singko ng madaling-araw, kahapon.
Epekto pa rin ito ng lumakas at laganap na pag-iral ng northeast monsoon sa Hilagang Luzon.
Noong nakaraang linggo, bumagsak din sa 10.4 degrees Celsius ang temperatura sa nasabing lungsod.
Samantala, sinabi rin ng PAGASA na kahapon ay naranasan sa buong bansa ang lamig na dulot ng hanging amihan.
Nakaranas naman ng maulap na may mahinang pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Caraga, Davao Region, Aurora at Quezon.
Ang Metro Manila at ang iba pang bahagi ng bansa ay naging maganda ang panahon na paminsan-minsan ay may mahinang pag-ulan.
Inihayag pa ng PAGASA na wala nang inaasahang papasok na bagyo sa bansa hanggang sa matapos ang kasalukuyang buwan.





Comments