P47-b Manila Bay rehabilitation project, start na

SINIMULAN na kahapon ng umaga ang P47 bilyong Manila Bay Rehabilitation Project sa pamamagitan ng solidarity walk.
Kasama sa 5,000 katao ang sumama sa ginawang kick-off ang mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang ahensiya ng gobyerno.
Ang ginawang pagkilos ay may temang “Let Us Save the Manila Bay”.
Ang event ay pinangunahan nina Environment Secretary Roy Cimatu, Interior Secretary Eduardo Año, Public Works Secretary Mark Villar, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Philippine National Police Chief Director Oscar Albayalde at Metropolitan Manila Development Authority Chairman Danilo Lim.
Kaugnay nito, inatasan ni Año ang mga local government na magpatupad ng lingguhang paglilinis sa Manila Bay na nasasakupan ng kanilang lugar.
Nagbabala rin si Año na parurusahan ang mabibigong hindi susunod sa kanyang direktiba.
Una nang lumabas sa pagsusuring ginawa sa water sampling ng Manila Bay na umabot ang average fecal coliform level sa 330 million most probable number (mpn) na 3.3 million times na mas mataas sa dapat sana ay 100 mpn na ideal para sa paglangoy.
Nabatid sa DENR may 40,000 pamilya ang naninirahan malapit sa lawa ang itinuturong pinakamalaking kontribusyon sa pagdumi ng Manila Bay.





Comments