Nakakita ng pulang pusa at kalabaw
- BULGAR

- Jan 28, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Monica ng Monica_Pesimo@face-book.com
Dear Professor, Nanaginip ako ng pulang pusa at kalabaw. Nakita ko rin ang dalawa kong kaibigan na nagli-live-in. Tapos, nu’ng dumudumi ako sa ilog, nabahala ako kasi hindi ito lumitaw, tapos, nakita ko ang papa ko, pero patay na siya sa totoong buhay. Ano ang ibig sabihin nito?
Thank you!
Naghihintay,
Monica
Sa iyo Monica, Sa lahat ng hayop, ang pusa ang pinakamalambing. Sa biglang tingin, maganda ang ganitong katangian ng pusa, pero minsan sila ay inihahalintulad sa kababaihan na dahil sa sobrang lambing ay kinaiiritahan na ng kanilang boyfriend.
Paano ba ‘yung naiirita ang lalaki dahil sa sobrang lambing ng babae?
Minsan, Monica, panoorin mo ang mga naglalakad sa kalsada kung saan may makikita ka na nagkakagalit na mag-boyfriend na kapag iyong inobserbahan ay makikita mong naiinis ang lalaki sa babae dahil sa sobrang paglalambing nito sa kanya kahit naglalakad sila sa kalsada. Maraming ganyang relasyon kung saan ayaw ng lalaki na sobrang nakadikit sa kanya ang kanyang girlfriend .
Ganyan mismo ang pusa, Monica, parang babae na dikit nang dikit sa minamahal niya. Kaya sa lahat ng mga hayop, ang pusa ang madalas masipa.
Nakatutuwa na nakakainis,’di ba? Kaya minsan, totoo pa lang mahirap magmahal at mas maganda pa ang single na lang, habambuhay.
Ang kalabaw naman ang pinakamasipag sa lahat ng mga hayop, pero ito rin ang pinakamabait at sobrang makapagsakripisyo kung saan pinaghihirapan nila ang lahat.
Ang isa pang “hirap” ay ang poverty na hindi puwedeng iugnay sa kalabaw dahil ang kalabaw ay sinisimbolo ng kasaganahan dahil kung walang kalabaw, ang ani sa bukirin ay hindi magiging masagana.
Bilang pagtatapat sa iyo, ayon sa panaginip, ang katangian ng pusa at kalabaw ay taglay mo.
Pero, sana hindi ka maging pusa na nasisipa dahil sa sobrang lambing na maaaring hindi mo maranasan dahil ngayon na nabasa mo na ang sagot sa kahulugan ng iyong panaginip, makokontrol mo na ang pagiging malambing mo kapag nagmamahal ka.
Sana, hindi ka matulad sa kalabaw na sobra kung magsakripisyo nang dahil lang sa pagmamahal sa kanyang amo.
Kaya ang sikreto sa dalawang puwedeng mangyari sa buhay mo ay “ang anumang sobra ay hindi maganda”.
Sinasabi ring sa lahat ng hayop, ang pusa lang ang nabibigyan ng karapatang mabuhay kapiling ang Diyos sa Palasyo dahil dito, ayon sa panaginip, yayaman ka at ang katotohanang ito sa buhay mo ay binibigyang-diin ng nasabing kahulugan ng kalabaw na muli ay simbolo ng kasaganahan.
Ang “dumi”, ano ang sinisimbolo? Ito ay ang lihim na kaligayahang nakukuha sa lihim na pagmamahalan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo




Comments