Loob at labas ng simbahan binomba 27 patay, 77 grabe | MALAGIM NA MISA

UMABOT sa 27 ang napatay habang tinatayang 77 ang sugatan sa magkasunod na pagsabog sa Simbahang-Katolika sa Bgy. Walled City sa Jolo, Sulu, kahapon ng umaga.
Batay sa inisyal na impormasyon mula kay Police Regional Office-ARMM Chief Superintendent Graciano Mijares, pito sa mga nasawi ay sundalo at 20 ang mga sibilyan.
Tinatayang 16 na puwersa ng gobyerno at 61 sibilyan ang nasugatan sa pagsabog.
Unang naganap ang pagsabog sa loob ng Marian Cathedral of Our Lady of Mount Carmel sa kasagsagan ng misa, alas-8:15 ng umaga.
Nangyari ang ikalawang pagsabog sa parking area ng cathedral sa kasagsagan ng pagresponde ng mga awtoridad sa naunang pambobomba.
Inilagay umano ang ikalawang improvised explosive device sa nakaparadang motorsiklo. Wala pang umaakong grupo na responsable sa terorismo.
Samantala, mariing kinondena ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nasabing mga pag-atake kasabay ng pagtiyak na mahigpit na silang nakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) para sa agarang imbestigasyon at pagtutukoy sa mga suspek.
Tiniyak ni AFP Chief of Staff General Benjamin Madrigal, Jr. na gagawin nito ang lahat para maibigay ang hustisya sa mga pamilya ng mga namatay sa dalawang pagsabog.
“I strongly commit, with the help of relevant agencies of government, to pursue the criminals with the full force of the law to ensure that the victims of this injustice will be prosecuted and punished,” ani Madrigal.
Umapela rin ang heneral sa publiko na maging kalmado sa gitna ng matinding pananabotahe na naganap ilang araw matapos ang plebesito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Iniutos ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang paglalatag ng mas mahigpit na seguridad sa pinangyarihan ng trahedya, gayundin ang pagtataas ng alerto sa mga Simbahan at iba pang bahay-panalanginan at mga pampublikong lugar.
“I have directed our troops to heighten their alert level, secure all places of worships and public places at once, and initiate pro-active security measures to thwart hostile plans,” diin ni Lorenzana.
Umapela naman ang Parish Priest ng Our Lady of Mount Carmel Cathedral na si Rev. Fr. Jefferson C. Nadua, OMI ng katarungan para sa mga biktima ng pagsabog.
Umaapela rin ng panalangin si Nadua hindi lamang para sa kapakanan at kaligtasan ng lahat ng mamamayan kundi maging sa pagkamit ng katarungan at pagpapanagot sa mga nasa likod ng pagpapasabog sa loob ng Simbahan.
“Medyo magulo pa ang utak ko ngayon, pero we pray for safety of those who are wounded and we pray for na sana walang casualties sa mga parishioner natin na nandoon then we’ll see to it to bring justice doon sa nangyari sa kanila, so far ‘yun lang muna dahil medyo magulo pa.. Pray for us…” pahayag ni Nadua sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, posibleng may kinalaman sa pagkakapasa ng Bangsamoro Organic Law ang nangyaring dalawang magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu.
“Mayroon pong chance, there’s the possibility pero, tinitingnan natin lahat ng anggulo dito. Eh, this is really plainly ano, eh, talagang mga kriminal ang mga gumawa nito, wala na itong ideology na pinag-uusapan, eh,” ani Communications Secretary Martin Andanar sa isang panayam.
Kaugnay nito, mariing kinondena ng Malacañang ang nasabing pambobomba.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, tiyak na mananagot ang nasa likod ng nangyaring twin bombing na may isang minuto lamang ang pagitan sa bawat isa na kasalukuyang iniimbestigahan pa ng mga awtoridad.





Comments