Kaso ng ‘hostage me’ mayoral candidate, tinangkang i-downgrade

UMAPELA sa pulisya ang mga concerned citizen ng bayan ng Marilao na kasuhan ng “illegal possession of explosives” ang mayoralty candidate na si Andre Santos na kasalukuyang nakakulong sa provincial jail sa Malolos City.
Naging kontrobersiyal si Santos nang i-hostage nito ang sarili sa kanyang tanggapan noong Disyembre 6, 2018 ng gabi kung saan umabot ng 20 oras ang kanyang stand-off.
Si Santos ay may kaso nang illegal possession of explosive and illegal possession of firearms subalit, may mga ulat na gumagawa umano ng paraan ang kampo ni Santos para maibaba ang kaso nito sa illegal possession of firearms upang maging bailable offense o makalaya sa pamamagitan ng piyansa.
Giit ng mga konsernadong mamamayan, kung illegal possession of explosive ang kaso ni Santos ay malabo itong makalaya.
Nabatid na nakatatanggap pa umano ng “VIP treatment” si Santos tulad ng malayang nakadalo sa church service noong siya ay nag-birthday noong Enero 6, malayang nakagagamit ng smart phone at internet at may ulat din na kanyang nagagamit ang bahagi ng opisina ng police officer bilang detention cell.
Matatandaang, inaresto si Santos nang alas-4:00 ng hapon noong Disyembre 7, 2018 dahil sa P10-million qualified theft case na ikinaso sa kanya ng isang Manila-based businessmen at nang maaresto ay nakuhanan siya ng dalawang baril at granada.
Naiulat din noon na nag-post pa si Santos ng video ng kanyang stand-off sa Facebook na nagsimula noong umaga ng December 7 kung saan nakitang may hawak siyang baril at granada habang nagsasalita hinggil sa problema sa Marilao.
Sa panayam noon sa telebisyon kay Bulacan Police Director Sr. Supt. Chito Bersaluna, nabanggit na nais ng ina ni Santos na ipadala ito sa rehab at maging ang pinsan nito ay umamin na ang dating alkalde ay nakaranas ng depresyon nang matalo noong 2016 elections.
Ang warrant of arrest laban kay Santos ay inisyu ni Judge Aida Estrella Macapagal Fojas ng Parañaque Regional Trial Court Branch 195.





Comments