top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Dahil sa internet, social media at napapanood sa TV | Mga kabataan, iba na ngayon!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 28, 2019
  • 3 min read

HARAPIN natin ang mapait na katotohanan: Iba na ang kabataan ngayon, mas madali nang mag-“mature” ang mga pag-iisip at mas mara­ming alam dahil sa pag-usbong ng internet at social media.

Ikumpara natin ang sarili natin noong bata pa tayo sa mga anak natin o sa ibang bata. Noon, kapag teenager tayo, parang bata pa rin. Marami sa atin ay naglalaro pa sa kalye ng patintero sa ganitong edad.

Pero, ngayon, kapag tumuntong na ang bata sa edad 9 o 10 kahit hindi pa man umaabot sa pag­ka-teenager ay parang may edad nang mag-isip at ku­milos.

Mabilis ang pagkamayor de-edad ng mga bata, kasimbilis ng impormasyon sa Facebook, YouTube at iba pang social media.

Ayon sa health advocates, may kinalaman din daw ang sobrang pagkain ng bata ng mga junk food kabilang ang sikat na fried chicken sa mga fast­food.

Talamak daw sa hormones ang mga manok na ito na nagpapabilis sa pagkadalaga ng mga babae at pinaaaga ang kanilang menstruation.

Sa mga lalaki naman, dahil sa rami ng maa­aring mapanood sa YouTube na mga video, mas­yadong ma­aga nilang nalalaman ang tung­kol sa mga bagay na seksuwal.

Kahit sa TV, ang dami nilang mapanonood na mga pelikula at serye na noon ay “for adults only”.

Tunay na mahirap nang makontrol ang maagang pagtanda ng isip ng mga bata at hindi rin naman sila maaaring ikulong sa bahay.

Paano ang batang ang mga magulang ay nasa abroad at nagtatrabaho bilang OFWs, sino ang magbabantay sa kanila?

Kaya maraming kabataan ngayon ang na­pariri­wara. Kapag walang gagabay sa kanila ay maliligaw ang landas ng mga ito.

Maaari silang mapasama sa barkadang may masamang impluwensiya na maya-maya ay guma­gawa ng mga “petty crime” at gumagamit na ng iligal na droga na kalaunan ay nasasang­kot pa sa mga krimen.

Dahil mga bata, madali silang naloloko ng ma­sasamang-tao, lalo na ang mga palaboy na walang mga magulang, ama at ina na walang pakialam kung saan napupunta ang anak nila at kung sino ang kasama ng mga ito.

Ang mga batang ito ay nagagamit ng mga sindi­kato para sa mga gawaing kriminal. Alam ng mga “boss” na sa ilalim ng pulpol na batas na ginawa ni Senador Francis “Kiko” Pangi­linan (Republic Act 9344), hindi sila kakasuhan kapag ang edad nila ay 15 at pababa.

Kaya napakagandang pangyayari na inapru­ba­han na ng House of Representatives ang bill na nag­lala­yong mapababa ang edad ng “cri­minal liability” mula sa 15 sa bagong edad na 12.

Bale, aamyendahan na ang batas ni Sen. Pangi­linan, ang R.A. 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.

Matagal nang binabatikos ang batas na ito na sinisisi na nagdulot ng pagdami ng mga batang kriminal — kabilang na ang mga batang nasasang­kot sa karumal-dumal na krimen tulad ng murder, rape, parricide, arson at iba pa.

Sa iba r’yan o gusto pa ring panatilihin ang kani­lang pagka-”inosente”: Totoo ito, marami nang bata ang nanggagahasa at pumapatay ng tao, mismo ang kanilang sariling mga magu­lang.

Sa mga konserbatibo naman d’yan, matuwa na kayo dahil ang unang panukala ay edad 9 para ma­kasuhan. Ito ang unang proposal na isinumite ng House Committee on Justice bi­lang “minimum age of criminal responsi­bility”.

Para maipasa na ang batas, pumayag na ang ibang miyembro na gawin itong 12-anyos.

Kung sa atin lang, okay na ang 9-anyos da­hil ito ang orihinal na edad sa Revised Penal Code bilang edad ng criminal liability.

70 taon nang batas ito ng Pilipinas bago pi­nalitan ni Sen. Pangilinan at ginawang 15-anyos. Ayun, du­mami nang husto ang bilang ng mga batang kriminal.

Huwag tayong makikinig sa mga dilawan na pilit hinaharang ang panukalang-batas na ito.

Sa buong mundo, partikular sa U.S., Europa at Asya, ang age of criminal liability ay nasa average na edad 10.

Huwag din tayong maniwala sa mga nagsa­sa­­bing ipakukulong ang mga bata. Wala sa pa­nukalang-batas na nagsasaad na ilalagay sa bi­langguan ang mga batang nagkasala.

Ang sinabi ng proposed bill, kapag ang ba­tang edad 12 hanggang 18 ay lumabag sa batas, sila ay ipapasok sa youth care facility na tinata­wag na “Ba­hay Pag-asa”.

Ito ay institusyon na pinatatakbo ng Depart­ment of Social Welfare and Development (DS­WD). Kung pamilyar tayo sa patakbo sa U.S., ito ang tulad ng kanilang “juvi” o juvenile youth detention fa­cilities.

Sa loob ng Bahay Pag-asa, magkakaroon ng pro­grama para sa rehabilitasyon ng mga batang kriminal, lalo na ang mga seryoso ang kasa­lanan.

Kulang daw ang mga youth rehab center sa bansa ngayon. Hindi ba, ganito rin ang reklamo ng mga dilawan sa anti-illegal drugs campaign ng gobyerno na kulang ang rehab center?

Madaling solusyunan ‘yan, gumawa ng mga bagong pasilidad. Mabilis namang kumilos ang DPWH ngayon hindi tulad noon, pero ipasa muna natin ang batas at ibasura na ang palpak na batas na ginawa ni Sen. Pangilinan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page