Matapos magpa-orasyon | MISIS KINATAY, MISTER NAGSAKSAK

NASA kritikal na kondisyon ang isang mister nang tangkain nitong mag-suicide matapos mapatay nito sa saksak ang kanyang misis sa Pilar sa Bohol, Huwebes ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Edgar Sumatra, 36, residente ng Bgy. Cansungay.
Habang wala nang buhay na nakahandusay sa sahig ng kanilang bahay ang 35-anyos na misis nitong si Milagros.
Sa pahayag ng isa sa mga anak kay SPO1 Ananias Milar, gustong umalis ng bahay ng kanilang ama para magpahilot subalit, hindi ito pinayagan ng ina.
Nagalit at nagwala ang suspek na mabilis kumuha ng kutsilyo sa kanilang kusina saka inundayan ng saksak ang biktima.
Matapos ang isinagawang krimen, lumabas ng bahay ang suspek at nagtungo sa puno ng acacia para mag-suicide sa pamamagitan ng pagsaksak nito sa sarili na napigilan ng ilang kapitbahay.
Dinala ang suspek sa Cong. Simeon G. Toribio Memorial Hospital dahil sa halos lumuwa ang bituka sa tangkang suicide.
Sa follow-up investigation, nagsimula ang kakaiba at bayolenteng ikinikilos ni Edgar mula nang sumailalim sa isang orasyon mula sa matandang babae na kaibigan umano nito.
Samantala, hindi umano ligtas ang suspek sa kinahaharap nitong mga kaso kaugnay sa ginawang brutal na pagpaslang sa kanyang asawa.





Comments