Holdaper tiklo sa baril-barilan

ARESTADO ang isang lalaki matapos holdapin ang isang driver at mekaniko gamit ang baril-barilan sa Caloocan City, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang naarestong suspek na si Joseph Reyes, 35, welder ng Bgy. 171, Bagumbong, matapos holdapin sina Charles Ivan Darwin Perito, 24, at Christian Castillo, 22, mekaniko, kapwa ng Bgy. 175, gamit ang caliber .45 replica.
Alas-12:15 ng hatinggabi, abala ang mga biktima sa pag-aayos ng motorsiklo sa loob ng Team Butingting Motorcycle Shop nang lumapit ang suspek at tinutukan sila ng baril sabay pahayag ng holdap.
Sa pag-aakalang totoong baril ang hawak nito, hindi na pumalag ang mga biktima nang kunin ng suspek ang kanilang cellphone na nasa P16,000 bago tumakas sakay ng motorsiklo.
Humingi naman ng tulong ang mga biktima sa Caloocan Police Community Precinct-5 na agad nagsagawa ng checkpoint malapit sa naturang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa harap ng kanilang bahay at narekober sa kanya ang cellphone ng biktima at gamit na baril-barilan.
Kasong paglabag sa R.A. 10591, Batas Pambansa 881 o The Omnibus Election Code at robbery ang isinampa ng pulisya kontra kay Reyes sa Caloocan City Prosecutor’s Office.





Comments