ALAB PILIPINAS, DINALE ANG WESTPORTS SA ABL

MULING nakasikwat ng panalo ang San Miguel Alab Pilipinas pagkaraang talunin ang Westports Malaysia Dragons, 85-47, noong Biyernes sa ASEAN Basketball League sa Sta. Rosa Multi-Purpose Complex sa Laguna.
Umakyat ang kartada ng Alab Pilipinas sa 9-2 at nakabawi sa kanilang unang pagkatalo kontra sa Malaysia Dragons noong Enero 9, 72-71. Nanatili rin ang malinis na kartada ng Alab Pilipinas sa kanilang homecourt, 8-0. Nanguna si PJ Ramos sa atake ng Alab Pilipinas pagkaraang magtapos ng 25 points, 11 rebounds, at 2 blocks, habang tumulong din si Renaldo Balkman sa pagtipa ng 13 points, 7 rebounds, at 5 assists.
Ipinakita ng Alab Pilipinas ang depensa sa nasabing laro matapos limitahan ang Dragons sa 7 puntos sa second quarter at makuha ang 37-20 na kalamangan sa halftime. Muling nanaig ang depensa ng Alab nang umiskor lang ng 9 na puntos ang Dragons para makuha na ang panalo.
Nanguna para sa Dragons si Winston Shepard pagkaraang gumawa ng 12 points para sa Dragons na nalaglag sa 5-6 kartada.





Comments