2 pulis niratrat ng riding-in-tandem, todas

PATAY ang dalawang pulis makaraang pagbabarilin sa magkahiwalay na insidente.
Agad namatay sa lugar ng pinangyarihan ang biktimang si SPO4 Oscar Exaltado, 45, deputy chief of police ng Bacolod City Police Office (BCPO) Station 6, sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo at katawan nito.
Pasado alas-8:00 ng umaga nang tambangan ang biktima habang nagmamaneho ng kanyang motorsiklo.
Ayon kay Senior Inspector Elmer Bonilla, dalawang hindi pa matukoy na armadong kalalakihan na sakay din sa motorsiklo ang bumuntot sa biktima na papasok na sa duty nito sa nabanggit na himpilan.
Pagsapit umano sa tapat ng JR Torres Elementary School sa mataong lugar ng Bgy. Singcang Airport ay dito na pinagbabaril ang biktima.
Matapos ang pamamaril ay nilapitan pa ng isa pang lalaki na sakay sa hiwalay na motorsiklo ang nakahandusay ng pulis para kunin ang service firearm nito na siyang ipinamputok muli sa ulo ng biktima bago tuluyang tangayin ang baril.
Narekober sa crime scene ang nasa 21 basyo ng bala mula sa .9mm at .45 pistol.
Inaalam pa sa imbestigasyon kung may kinalaman sa trabaho ng biktima ang nangyaring paglikida sa kanya.
Nabatid na katatapos lang maghain ng kanyang dokumento para sa susunod na promosyon ng biktima bilang police inspector.
Samantala, isang pulis din ang nasawi matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Bgy. Pob.4, Tanauan City, Batangas.
Alas-5:20 ng hapon, sakay ng kanyang Toyota Corolla ang biktimang si PO3 John Melver Leyco, nakatalaga sa Sto. Tomas, Batangas-MPS, nang abangan ng hindi pa nakikilalang armadong lalaki.
Agad siyang pinagbabaril bago nagsitakas.
Inilatag na ng pulisya ang operasyon at humingi na rin ng tulong sa iba’t ibang himpilan sa posibleng ikadarakip ng mga salarin. Patuloy na ang imbestigasyon sa insidente.





Comments