top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

WEIGHTLIFTER DIAZ, MAY TSANSA NA SA OLYMPICS; KARIBAL, SUBSTANCE POSITIVE

Eddie M. Paez, Jr.
Jan 26, 2019
2 min read

POSIBLENG mawala ang isang malaking tinik na nakabara sa kampanya ni Hidilyn Diaz ng Pilipinas patungo sa isang Olympic gold medal matapos matuklasang positibo ang numero uno nitong karibal mula sa Thailand na si Sukanya Srisurat sa paggamit ng substance na labag sa anti-doping policy.

Ang kaganapang ito ay nairehistro nang lumahok at magwagi ang Thai lady lifter sa 2018 World Weightlifting Championships sa Turkmenistan.

Limang iba pang Thai weightlifters ayon sa ulat ng International Weightlifting Federation o IWF ang lumabag sa panuntunan pagdating sa substance na tinatawag na testosterone at androstane. Kasama rin sa talaan ang mga kababaihang sina Sopita Tanasan, Thunya Sukcharoen, Chitchanok Pulsabsakul, Duanganksnern Chaidee at ang lalaking si Teerapat Chomchuen.

Dahil dito, maaaring matanggalan ng karapatan ang Thailand bilang host sa susunod na world championships ngayong Setyembre at awtomatikong disqualification sa weightlifting events ng 2020 Olympics sa Tokyo, Japan.

Ayon sa panuntunan ng IWF tungkol sa anti-doping na nagkaroon ng bisa noong Abril 2018, alin mang bansa na magkakaroon ng tatlo o higit pang kaso ng “positive” sa loob ng isang taon ay nahaharap sa multang $200,000 at apat na taong suspension (maximum). Ang pinal na desisyon ay ilalabas ng Sanctions Panel.

Naghihigpit ang International Olympic Committee at matamang nakabantay sa mga aktibidades ng IWF pagdating sa paglilinis ng bakuran nito. Kasama rito ang galaw kung saan nasa provisional status pa rin ang paglahok ng weightlifting sa 2024 Paris Olympics.

Kung magsisilbi man itong magandang senyales ng magiging resulta sa 2020 Olympics para kay Diaz ay hindi pa tiyak. Sa kasalukuyan ay nasa pang-11 puntos (829.­5184) pa lang ang Pinay base sa dami ng naipong qualifying points para siya makasali sa 55 kilograms na kategorya ng Tokyo Olympiad. Ang Thai na si Srisurat ang frontrunner (1,292.­6207).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page