Ikauunlad ng bansa, unahin kaysa sa batas na magpa-pakulong sa mga bata
- BULGAR

- Jan 26, 2019
- 2 min read
ANO ba ang kriminal, bakit may krimen? Nasagot na ang mga katanungang ito kaya may kursong “Criminology” para sa mga nagnanais sumapi sa Philippine National Police. May mga kurso, subalit, lubos bang naiintindihan kung paano susupilin ang krimen? Sapat ba ang ginagawa ng mga inaasahang mga sangay ng pamahalaan tulad ng Department of Social Welfare and Development, paaralan, Simbahan, barangay at pamilya upang tugunan ang krimen?
Tulad ng maraming nangyayari sa lipunan, maaaring maiwasan at mapigilan ang krimen. Ito ang programang “Crime Prevention” subalit, sa nagdaang mga buwan, hindi natin ito masyadong naririnig. Sa halip na pag-usapan ang pagpigil sa krimen, mukhang mas gustong pahalagahan ng mga mambabatas ay ang pagpaparusa sa mga nagkasala at lumabag sa batas. Ang hayagang pagpatay sa “pinaghihinalaang kriminal” ay hindi naghahangad na tulungang magbago at magsisi sa kasalanan. Wala nang pag-aaksaya ng panahon — patayin na lang para tapos na ang problema. Walang “due process”, walang hustisya.
Paano kung may due process, pero bata ang lilitisin, hindi sa “Children and Juvenile Courts” kundi sa mga karaniwang Regional Trial Court. Ito ang malalim na implikasyon ng pagbaba ng “Age of Criminal Liability.” Siksikan ang mga korte sa mga kaso at nais pa nating dagdagan ng mga kaso ng kabataan.
Narito ang mga mambabatas na tumitingin sa kalutasan ng problemang higit na malawak ang pinag-uugatan kaysa sa usapin ng krimen. Mayroon ba silang sapat na kaisipan upang gumawa ng krimen? Paano nga ba mag-isip ang mga batang nasa edad 9 hanggang 15?
Ito ang panukala ng kongresista na palitan ang Juvenile Justice and Welfare Act (JJWA) na ayon sa kanya, hindi na tumutugon sa pangangailangan ng kasalukuyang panahon. Kaya nagawa ang panukalang-batas na nagbababa ng age of criminal responsibility mula 15 patungong 9. Nagsimula na ang pagtatalo sa Kongreso. Naanyayahan tayong dumalo sa Senate Hearing na ito upang ipakita natin ang matinding pagtutol. Hindi batas ang kailangan natin kundi programa para sa kabataan. Ilang kabataan ba ang tumatanggap ng tunay na pagmamahal at pagkalinga mula sa kanilang mga magulang o bantay?
Nabanggit sa debate ang iniuutos ng JJWA na lumikha ang bawat lalawigan ng mga Bahay Pag-asa o Youth Rehabilitation Center. Subalit, sa 81 lalawigan at 33 highly urbanized cities, mayroon lamang 63 Bahay Pag-asa. Ang karaniwang problema ay ang kakulangan ng salapi at kinakailangang propesyunal para patakbuhin ang naturang Bahay Pag-asa.
Katatapos lang ng kapistahan ng Santo Niño. Nakalulungkot ang malinaw na kapalpakan ng pamahalaan na lumikha ng pondo at programa para bigyang-suporta ang kabataan. Tulad ng pamilyang may obligasyon ang pamahalaan na alagaan nang maayos at husto ang kabataan.
Bakit nagmamadaling magtulak ng bagong batas laban sa mga bata, samantalang, napakaraming dapat gawin para sa ikauunlad ng lipunan? Nakalulungkot na tila pinag-iinitan ang kabataan na sa totoo lang, sila ay responsibilidad ng nakatatanda.




Comments