Walang damit, sinita sa checkpoint | 3 KULONG SA P1.5-M SHABU
- Jeff Tumbado
- Jan 25, 2019
- 1 min read

DAHIL sa walang suot na pang-itaas na damit kaya nabunyag ng pulisya ang itinatagong milyong pisong halaga ng shabu at ilang armas sa inilatag na Comelec checkpoint sa bahagi ng national highway sa Donya Remedios Trinidad, Bulacan.
Agad pinigil ng pulisya at ilang tauhan ng 48th Infantry Batallion-Philippine Army na nagmamantina sa checkpoint ang Mitsubishi Lancer kung saan sakay ang mga dinakip na sina Joselito Isidro, 30; Florinda Alipio, 46, at Jerome Jay Niño Maguisa Silverio, 26.
Ayon kay Senior Inspector Isabelo Mondejar, alas-11:30 ng gabi nang pinara sa checkpoint sa Bgy. Pulong, Sampalok ang naturang sasakyan nang makitang walang suot na pang-itaas na damit si Isidro na siyang nagmamaneho ng sasakyan.
Nang silipin ang mga sakay ay dito nasulyapan ang isang Ingram machine pistol sa tabi ni Isidro dahilan para tuluyang harangin ang mga ito.
Sa pagbusisi pa ng mga awtoridad sa sasakyan at sa tatlong suspek ay dito nakuha ang isang itim na bag kung saan naglalaman ng ilang plastic sachets ng shabu na tumitimbang ng 210 gramo na nagkakahalagang P1.5 milyon at isang .9mm pistola.
Hinanapan ng pulisya ng lisensiya si Isidro subalit, wala itong maipakita.





Comments