Paggamit ng vape, sapol din sa ‘age limit’

KASUNOD ng isyu hinggil sa pagpapababa ng edad sa criminal liability, isinulong ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) ang regulasyon sa paggamit ng e-cigarettes o vape kabilang dito ang pagpapababa ng age limit sa paggamit nito kung saan 25-anyos pataas lamang ang pupuwede.
Ang hakbang na ito ng DOH at FDA ay dahil sa mga aksidenteng naganap na may kinalaman sa vape.
Gayunman, ayon sa Global Youth Tobacco Survey, nasa 11.7 percent ng mga estudyanteng Pilipino na may edad 13 hanggang 15 ang gumagamit ng vape sa kasalukuyan kung saan tiyak na mahihirapan ang gobyerno para mapigilan ang mga ito dahil karamihan sa mga kabataan ngayon, eh, matitigas talaga ang ulo.
Gayunman, sumasang-ayon ang mga medical expert sa panukalang ito dahil para naman ito sa kaligtasan at proteksiyon ng mga kabataan na maaga pa lang ay nanganganib na ang kalusugan.
Samantala, duda ang mga gumagawa at nagbebenta ng vape na mapipigilan at mare-regulate ng pamahalaan ang industriya ng e-cigarettes dahil marami ang nakikinabang dito, partikular na sa aspeto ng negosyo.
Sa totoo lang, maganda sana ang layunin ng panukalang-batas, ‘yun nga lang kakailanganin ng gobyerno ng matibay na pagpapatupad dahil kung ating oobserbahan ngayon, maraming batas ang sinusuway pa rin ng karamihan tulad ng pagyoyosi sa kalsada atbp. ‘Ika nga, nasa disiplina talaga, gayundin sa mga taong gumagabay sa kanila.
Kung sa pagyoyosi nga, eh, marami pa ring Pinoy ang nakalulusot, paano pa kaya sa pagbe-vape na patok na patok ngayon? Hmmm…
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments