Kung kailan maituturing na working hours ang meeting

Dear Chief Acosta, Magandang araw! Nais kong malaman kung ang weekly meeting sa aming opisina ay maituturing na oras ng trabaho o kasama pa rin sa aming working hours? Ito ay nagaganap pagkatapos ng oras ng trabaho namin at tumatagal ng mahigit sa dalawang oras. — Jabari
Dear Jabari, Ang Section 6, Rule I. Book III ng Omnibus Rules to Implement the Labor Code ang panuntunan na makatutugon sa inyong katanungan. Ayon sa nabanggit na panuntunan:
“SECTION 6. Lectures, meetings, training programs. — Attendance at lectures, meetings, training programs, and other similar activities shall not be counted as working time if all of the following conditions are met:
a) Attendance is outside of the employee’s regular working hours;
b) Attendance is in fact voluntary; and
c) The employee does not perform any productive work during such attendance.” (Binigyang-diin)
Base sa nabanggit na panuntunan, hindi maaaring maituring na oras ng trabaho ang meeting kung ang mga nabanggit na kondisyon ay matutupad.
Ang mga kondisyong ito ay ang mga sumusunod:
a) Lampas sa oras ng trabaho ang nasabing meeting o pagpupulong
b) Ang pagdalo rito ay kusang loob at
c) Ang empleyadong dumadalo sa nasabing pagpupulong ay hindi gumaganap ng trabaho habang nagaganap ang nasabing pagpupulong.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments