Habal-habal driver hiniritan ng P15-K | KOTONG COP, ARESTADO

TIMBOG sa entrapment operation na isinagawa ng mga operatiba ng PNP-Counter Intelligence Task Force (CITF) ang aktibong pulis na nakatalaga sa Makati City Police Station dahil sa pangongotong nito sa Taguig City.
Pumapalag pa habang pinoposasan ng CITF operatives si SPO4 Danilo Paghubasan.
Nabatid kay CITF Commander Senior Supt. Romeo Caramat, Jr., agad dinakip si SPO4 Pagbuhasan ilang sandali makaraang tanggapin nito ang marked money sa inilatag na entrapment operation sa bahagi ng Bgy. Ususan sa Taguig City bago mag-7:00 ng umaga kahapon.
Kaugnay ito sa reklamo ng habal-habal driver na hinihingan umano ni Pagbuhasan ng P15,000 bilang membership fee para payagan siyang kumuha ng mga pasahero sa iligal na terminal sa Taguig.
Napag-alaman na bukod sa naturang kaso, nangongolekta rin umano si Paghubasan ng P150 kada araw sa 40 iba pang habal-habal drivers para hindi hulihin ng mga tauhan nitong pulis ‘pag dumaraan ang mga ito sa C5 Road, Pilar Village.
Sinabi pa ni Caramat, sa dalawang linggo nilang pagmamanman sa pulis ay dito napansin nilang hindi ito nagre-report sa duty nito sa Makati PCP-9 at sa halip ay namataan lang na nakapangsibilyan sa terminal ng habal-habal.





Comments