Sa ikatlong pagkakataon | MAYOR IN-AMBUSH, MISTER AT 2 PA, PATAY

PINAULANAN ng bala ng isang grupo ang sasakyan kung saan sakay si San Fernando, Cebu Mayor Lakambini ‘Neneth’ Reluya sa Bgy. Linao, Talisay City, gabi ng Martes.
Ayon kay Talisay City Police Chief Supt. Marlu Conag, nakaligtas si Mayor Reluya sa pananambang na sugatang isinugod sa ospital subalit, tatlo sa kanyang kasamahan kabilang ang asawa nito na si Bgy. Chairman Ricardo Reluya, Jr. ay pawang dead-on-the-spot.
Nakilala ang dalawa pang nasawi sa insidente na sina Allan Bayot at Ricky Montenora, na pawang mga staff ng opisyal.
Bukod kay Mayor Reluya, dalawa pang mga kasama nito ang ginagamot sanhi ng tinamong tama ng bala sa kanilang katawan na sina Giovani Perez at Tolentin Jefer.
Ayon kay Conag, tinambangan ng grupo na sinasabing lulan ng isang kotse ang mga biktima na sakay naman sa Toyota Hi-Ace passenger van alas-9:30 ng gabi sa Bgy. Linao habang patungo ang mga ito sa Talisay City.
Hinarang umano ng mga suspek ang sasakyan ng mga biktima bago sila pinaulanan ng bala. Ayon kay Supt. Ma. Aurora Rayos, ito na ang ikatlong beses na tinangkang likidahin si Mayor Reluya sa loob lamang ng tatlong linggo.
Hindi naman inaalis ng pulisya na politika ang motibo sa krimen. Patuloy pa ang isinasagawang hot pursuit operations ng mga awtoridad laban sa mga nasa likod ng pag-atake sa opisyal.





Comments