Pagbuwag ng road board, lusot na
- Vyne Reyes
- Jan 23, 2019
- 1 min read

PINAGTIBAY na sa ikatlo at huling pagbasa sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 7436 na nagpapabuwag sa Road Board at paglilipat ng pangangasiwa ng koleksiyon ng Motor Vehicle User’s Charge (MVUC) o Road User’s Tax.
Sa botong 180 na pabor at walang pagtutol, pinaaamyendahan ng panukala ang Republic Act No. 8794 o “An Act Imposing a Motor Vehicle User’s Charge on Owners of All Types of Motor Vehicles and Other Users”.
Alinsunod sa Section 5 ng HB 7436, bubuwagin na ang Road Board na may hawak ng koleksiyon ng Road User’s Tax.
Ang mga empleyado at tauhan ng Road Board ay ililipat sa Department of Public Works and Highways (DPWH) nang walang pagbabago sa kanilang suweldo at benepisyo.
Ang mga maaalis sa serbisyo ay makatatanggap ng kaukulang separation benefits, gayundin ang retirement benefits para sa mga pa-retiro na.
Ang magiging koleksiyon para sa MVUC ay ire-remit sa National Treasury sa ilalim ng General Fund at gagamitin sa konstruksiyon, pag-upgrade, pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga kalsada, tulay at kanal na ihahanay din sa taunang General Appropriations Act (GAA).
Ang lahat ng karapatan, obligasyon at pananagutan ng Road Board, gayundin ang mga record, ari-arian, asset, equipment at pondo ng Road Board ay ililipat sa DPWH.
Nakatakda ring buuin ang isang Congressional Oversight Committee para bantayan ang implementasyon ng mga inamyendahan sa RA 8794 pati na ang paggamit ng special funds.





Comments