Imbes ikulong agad, dahilan kaya nasasangkot sa krimen ang bata, bigyang-pansin ng gobyerno!

IPINASA na ng Mababang Kapulungan ang batas na magbababa sa edad ng pananagutan ng kriminalidad sa edad na 9. Gayunman, nilinaw na hindi isasama ang mga bata sa kulungang para sa mga matanda kundi sa “reformative institution” lamang hanggang sa maaari na silang ibalik sa lipunan. Kapag hindi ito nagbago hanggang sa edad nitong 8, isasama na ito sa mga bilanggo na nasa wastong gulang.
Marami pang kundisyon ang nasabing batas, pero ngayon pa lang, mainit na ang debate hinggil sa isyung ito. Labag daw sa karapatan ng bata at responsibilidad ng estado ang magbigay ng proteksiyon sa mga bata at pangalagaan ng mga karapatang ito. Kahirapan, gutom at gulo sa pamilya ang pangunahing dahilan kaya nakagagawa ng krimen ang mga bata kaya ito ang dapat pagtuunan ng pansin ng estado at hindi ang ikulong sila agad. Aminado tayong may mga bata na gumagawa na ng krimen, pero ang mabansagan silang “kriminal” ay “sobra” naman dahil musmos pa lamang sila, wala pang masyadong nalalaman at naiintindihan sa mundo, maliban na lang kung ginagamit sila ng mga sindikato. Bagama’t, hindi sila isinasama sa mga matatanda, kriminal pa rin ang ituturing sa kanila. Kung tuluyang maipapasa ang batas — may iba’t bang bersiyon ang Senado, gayunman, hindi pa natin alam kung tuluyang maipatutupad ang rehabilitasyon nila.
◘◘◘
Tataas na naman ang presyo ng gasolina. Dahil daw ito sa pagtaas ng presyo ng langis sa merkado gawa ng pagbawas ng produksiyon ng mga bansang may langis. ‘Ika nga, hininaan ang tulo ng gripo. Tumaas ang presyo ng gasolina dahil sa pagpapatupad ng ilang gasolinahan ng karagdagag buwis dahil sa TRAIN Law 2. Dalawang piso raw ang itataas sa presyo ng gasolina at diesel.
Wala pa tayong magagawa sa ngayon. Marahil, dahil tila hindi nakikinig ang administrasyon sa panawagang huwag na munang ipatupad ang buwis sa gasolina at diesel. Kaya panigurado, magtataasan na rin ang presyo ng iba pang bilihin. Kung hindi tayo nagmamaneho, pero nag-aarkila tayo ng sasakyan, baka tumaas na rin ang babayaran natin.





Comments