Hamon sa may-ari ng printing shop: Dilawang pulitiko na nasa likod ng iligal na passport, ibulgar!
- BULGAR

- Jan 23, 2019
- 4 min read
ANG bilyunaryong si Iñigo Zobel ay pang-11 sa listahan ng pinakamayamang Pilipino. Ang kanyang yaman ay $2.5 bilyon o P131 bilyon.
Hindi na kailangang magtrabaho ni Zobel para mabuhay nang marangya.
Tutal, napakalaki naman ng mana na nakuha niya mula sa kanyang yumaong ama na si Enrique Zobel. Ang usapan sa sirkulo nila, mahilig lang daw mag-party si Zobel at hindi seryoso sa negosyo. Bakit nga ba tayo magtatrabaho kung mayroon na tayong P131 bilyon na puwedeng gastusin?
Kaya nakapagtatakang bibili si Zobel ng pipitsuging kumpanya, ang UGEC o ang United Graphic Expressions Corp. Ang nagsimula ng small-time printing shop na ito ay ang negosyanteng si Henry Cureg.
Pero, noong 2015, bigla na lang naging pinakamalaking stockholder o may-ari ng UGEC si Zobel. Bakit niya papatulan ang maliit na kumpanyang ito? Dahil UGEC umano ang binigyan noong 2016 ng gobyernong Aquino ng napakalaking kontrata ng pag-print sa pasaporte ng mga Pilipino.
Marami umanong nilabag na batas para lamang mapagbigyan ang UGEC. Una, hindi nagsagawa ng public bidding ang administrasyon ni ex-P-Noy. Ibinigay na lang daw ang kontrata sa kumpanya ni Zobel.
Pangalawa, ipinagbabawal sa ating batas na pribadong kumpanya ang maglilimbag ng opisyal na pasaporte. Malaki ang ‘security risk’ kaya gobyerno lang ang dapat mag-print ng pasaporte.
Pangatlo, peke ang joint venture sa pagitan ng UGEC at ng APO Production Unit (APO-PU). Saan tayo nakakita ng JV na 90 porsiyento ng kita ay sa UGEC mapupunta? Sa totoo lang, nag-subcontract ang APO-PU sa UGEC na labag sa ating batas.
Ang Commission on Audit (COA) mismo ang nagsabi na iligal ang kontrata sa pagitan ng UGEC at APO-PU na pinamunuan noon nina Herminio Coloma at Milagros Alora, pero hindi raw pinansin nina Coloma at Alora ang COA at itinuloy pa rin ang iligal na kontrata nila.
Isinikreto pa raw nila ito at lumabas lang ang mga detalye matapos sumabog ang kontrobersiya tungkol sa pagkawala raw ng datos ng mga Pilipinong may pasaporte. Nagalit ang mamamayan nang malaman na kailangan pa nilang mag-submit ng birth certificate para lamang makapag-renew ng pasaporte.
Gumawa tayo ng sarili nating imbestigasyon sa isyung ito. Binasa natin lahat ng report ng COA mula 2015 hanggang 2017 na may kinalaman sa passport-printing contract na ibinigay sa UGEC.
Nagulat tayo sa mga detalyeng nadiskubre natin. Ang kapal talaga ng mga dilawang gumawa ng transaksiyong ito. Hindi lang iligal, ito rin ay “crony deal”.
Naalala ba ninyo ang terminong “crony”? Madalas ‘yang banggitin ng mga dilawan kapag gusto nilang batikusin si ex-P-Marcos. Marami raw “crony” ang nakinabang kay ex-P-Marcos.
Ano ang tawag natin sa P38 bilyong sikretong kontrata na ibinigay nang ganu’n lang sa kumpanya ni Zobel nang walang public bidding?
Sa ilalim ng kontrata ay dinoble ang presyo ng pasaporte mula P520 sa bagong presyo na P950. Kawawang mga Pilipino, magbabayad ng doble para payamanin pa ang bilyunaryong si Zobel!
Dahil monopolya (o walang kalaban) ang UGEC sa paglimbag ng pasaporte, tubong-lugaw ito.
Ayon sa mga taga-industriya ng printing, P400 lang ang gastos sa pag-print ng pasaporte kaya malaki ang kita ng UGEC nang ibinenta nila ang mga pasaporte sa taumbayan sa halagang P950.
Ang estima natin, kikita ang UGEC ni Zobel ng P1 bilyon bawat taon o P10 bilyon sa loob ng 10 taong kontrata nito na pinirmahan noong termino ni ex-P-Noy.
Kailangan pa ba ni Zobel ng ganitong pera? Barya lang sa kanya ito. Wala rin umanong rekord ang mga Zobel na nakikipagkontrata sa gobyerno. Ito ang unang pagkakataon. Bakit papasukin ni Zobel ang ganitong mundo, lalo na at ang reputasyon niya ay “fun-loving” at hindi mahilig sa business?
Ang masama nito baka makasuhan pa si Zobel ng graft and corruption dahil sa pagkakasangkot nito sa iligal na kontrata. Palagay natin, nagsisisi na si Zobel na binili niya ang UGEC. Malamang, pinagbigyan lang niya ang tanyag na dilawang pulitiko na matagal nang sinusuportahan ng kanyang pamilya.
Ganito rin umano ang modus-operandi ng mga dilawan sa iba pang iligal at kontrobersiyal na kontratang pinasukan nila tulad ng sa Dengvaxia (palpak at mahal na bakuna) at sa kapalpakan ng MRT3.
Hinihintay ngayon ng taumbayan kung ano ang magiging posisyon ng administrasyong Duterte tungkol sa isyung ito. Noong Abril 2017, sinabi ni Salvador Panelo na ibinigay na raw niya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang legal opinion sa isyu ng pasaporte.
Ayon kay Panelo, walang bisa o “void” daw ang kontrata dahil ginawa ito ng ahensiya na lampas sa kapangyarihan nito.
Dagdag pa niya, ang memorandum of agreement sa pagitan ng APO-PU at ng Department of Foreign Affairs ay nagsabing kailangang APO-PU mismo ang gagamit ng sarili nitong mga pasilidad at makinarya sa pag-print ng mga pasaporte, pero hindi sinunod ng APO-PU nina Coloma at Alora ang kasunduan nila sa DFA. Sa halip, ibinigay lang nito ang kontrata sa paggawa ng pasaporte sa UGEC ni Zobel.
Sana, sagutin ni Zobel ang mga tanong tungkol sa kumpanya niya. Ibulgar na rin niya kung nagpo-front lang ba siya para sa sikat na dilawang pulitiko.





Comments