top of page

Pagdalo ng mga guro sa mandatory continuing education activities, ayos!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 22, 2019
  • 2 min read

ANG pagtuturo ay kasanayan na kinakaila­ngan ng tuluy-tuloy na paghahasa, paglilinang at pangangalaga.

Upang madiskubre pa lalo ng mga teacher ang kanilang potensiyal, dapat si­lang mabigyan ng oportunidad na makita at gamitin ito.

Sa kabila ng pag-unlad ng kalidad ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas, patuloy pa rin nating pinagtitibay ito sa maraming paraan at sinisikap na makahabol sa mabuting estado ng mga kalapit nating bansa.

Ang epektibong pagtuturo ay nakadepende kung nalalaman ng guro kung ano ang kanyang ituturo maging ang pinakamahusay na paraan para ituro ito.

Malaki ang ipinagbago ng pilosopiya at sis­tema ng edukasyon sa ating panahon ngayon, kaya nararapat lamang na maging updated ang ating mga teacher sa mga makabago at mas ma­bisang paraan ng pagtuturo upang mas mau­nawaan ng mga estudyante.

Napakainam na iniaakma ang paglinang ng kanilang kaalaman base sa pangangailangan ng kasalukuyang kapaligiran, lalo na ang mo­der­nong teknolohiya.

Naniniwala ang mga magulang na ang ma­rurunong at malikhaing guro ay kasangka­pan sa tagumpay ng kanilang mga anak dahil sila ang nakapagpapataas at nakapaggagabay ng kanilang direksiyon at kagalingan sa pag-aaral.

Ngunit, hangga’t hindi naitatatag ng ating gobyerno ang maayos na sistema ng pagkatuto ng mga kasalukuyang guro sa anumang paara­lan ay mahirap itong maibahagi sa mga mag-aaral. Kung tutuusin, hindi lamang ang mga estud­yante ang dapat natututo kundi lalo’t higit ang mga nagtuturo rin sa kanila.

Kaya bilang vice-chairman ng Senate Com­mittee on Education, Arts and Culture, isa sa ating ipinaglalaban sa Senado ang panukalang-batas na Senate Bill No. 206 o ang The Conti­nuing Education for Teachers Act.

Naniniwala tayo na ang pagtataguyod ng mandatory continuing education sa mga guro ay makatutulong sa pagpapabuti at pagpapaya­man ng kanilang kasanayan sa pagtuturo sa mga mag-aaral na karapat-dapat para sa ating bansa.

Sakop ng nasabing panukala ang 16 oras kada taon na pagdalo ng mga primary at secon­dary teacher sa pampubliko at pampribadong paaralan sa mandatory continuing education ac­tivities kung saan sakop nito ang mga pak­sang professional education, general education at teaching method sa kanilang spesyalisasyon.

Kabilang din sa panukala ang pagsasagawa ng mga workshop sa paggawa ng materyales sa pagtuturo at sasanayin sila sa paraan ng mabisang komunikasyon at sa iba pang maka­bagong updates sa edukasyon.

Globally competitive na maituturing ang mga dadaluhan nilang programa at customized o na­aakma sa kalagayan ng sistema ng edukasyon sa bansa.

Nauunawaan natin ang kalagayan at panga­ngailangan ng ating mga guro bunga ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa kanila ng inyong ling­kod.

Sa kabila ng mga pagsubok ang kanilang ka­harapin, umaasa tayong unti-unti silang na­pakikinggan at nagagawan ng paraan ng gob­yerno na matugunan ang kanilang mga panga­ngailangan sa pagpapabuti ng kanilang pro­pesyon.

Naniniwala tayo na ngayong taon, mapa­palakas ang tuluy-tuloy na pagkatuto ng ating mga guro sa pamamagitan ng pagsasabatas ng The Continuing Education for Teachers Act.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page