top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Bago ang plebisito para sa BOL | 2 PAGSABOG, GUMULANTANG

Jeff Tumbado
Jan 22, 2019
2 min read

BINALOT ng kaguluhan ang ilang lugar sa Mindanao, partikular sa Cotabato City at Maguindanao kaugnay sa ginanap na plebesito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) na nagsimula kahapon.

Bago ang botohan, ginulantang ng dalawang malakas na pagsabog ang mga residente sa Bgy. Mother Rosary Heights sa Cotabato City, alas-9:00 ng gabi ng Linggo.

Batay sa report na ipinarating kay Chief Supt. Graciano Mijares, pinasabugan umano ng granada ng dalawang lalaking sakay sa motorsiklo ang harapang bahagi ng bahay ng 53-anyos na Municipal Trial Court Judge na si Rosalito Rasalan sa naturang lugar.

Isa pang MK2 fragmentation handgrenade ang nadiskubre ng rumespondeng Bomb Ordnance Unit ng Cotabato City Police Office na nakatanim sa tapat din ng bahay ng naturang hukom kung saan ay doon na mismo sa lugar nai-defuse ito.

Naniniwala ang pulisya na ang insidente ng pagpapasabog at tangkang pagpapasabog sa bahay ni Rasalan ay may kinalaman sa pagiging hukom nito at hindi konektado sa ginanap na plebisito para sa BOL.

Wala namang nadamay na indibidwal na residente sa lugar dulot ng pangyayari.

Ang bayan ng Cotabato ay isa lamang sa mga lugar na pinagdarausan ng plebisito para sa ratipikasyon ng BOL.

Samantala, isa ring pampasabog ang narekober ng mga awtoridad malapit sa bisinidad ng Roxas National High School sa Cotabato City.

Natagpuan ang granada sa isang sari-sari store sa panulukan ng Sausa at San Juan Streets sa Bgy. Rosary Heights 1.

Isa umanong may-ari ng tindahan ang nakadampot sa pampasabog na unang inakalang laruan pero, nang suriing mabuti ng isa pang residente ay sinabing tunay na granada ito.

Matagumpay naman na nai-detonate ang bomba gamit ang sako at buhangin.

Naging tensiyunado naman ang loob ng compound ng Cotabato Chinese Institute (CCI) kung saan ginanap ang plebisito kaugnay ng BOL dahil sa nangyaring pambubugbog sa dalawang lalaki na umanoy ‘flying voters’.

Nangyari ang komosyon ilang sandali nang sumigaw nang malakas ang isang bumuboto sa presinto.

Inireklamo umano ng babae ang pagpasok sa loob ng polling precinct ng dalawang lalaki na hindi naman residente sa lugar at walang maipakitang lehitimong ID ang mga ito.

Rito na umano pinagsusuntok ng ilang mga kalalakihan ang dalawang ‘flying voters’ hanggang sa magkahabulan pa sa loob at labas ng compound ng CCI.

Isang babaeng botante naman na umano’y hindi nakapag-aral ang nagreklamo matapos na gawing “yes” ng isang hindi tinukoy na guro ang kanyang boto na dapat ay “no”.

Agad namang napasugod sa lugar si Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi upang samahan ang botante sa paghahain ng reklamo laban sa sangkot na guro.

Sa taya ng mga awtoridad, nasa mahigit 2.5 milyon mula sa 2.8 milyon registered voters ang inaasahang lalahok sa kauna-unahang plebisito sa Mindanao para sa BOL.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page