Apektado sa taas-presyo | P1,000 DAGDAG-PENSIYON SA SENIOR

LUMUSOB sa Kamara ang ilang senior citizens o mga nakatatanda para igiit ang pagtitibay ng House Bill 3934 na layong itaas sa P1,000 kada buwan ang social pension.
Giit ng mga nakatatanda, kailangan nang madagdagan ang kanilang pensiyon sa harap ng patuloy na pagsipa ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Sa ilalim ng House Bill 3934, itataas ang social pension sa P1,000 mula sa kasalukuyang P500 para sa mga senior citizen na tumatanggap ng buwanang pensiyon na P3,500 pababa.
Noong Pebrero ng nakaraang taon, inaprubahan ng House Committee on Population and Family Relations ang panukala subalit, wala na umanong nangyari.
Pinayagan din ng komite na alisin ang requirements tulad ng pagiging mahina, sakitin o may kapansanan bago maging kuwalipikado ang senior citizen para sa social pension.
Ang P500 buwanang social pension ay karagdagang ayuda sa mga nakatatanda sa ilalim ng Republic Act (RA) No.9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Dahil sa kakapusan ng pondo, ang mga senior citizen na may edad na 70 pataas ang puwedeng makapasok sa social pension program (SPP).
Sa tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), aabot sa 2.8 milyon na indigent señior citizens ang nakinabang sa programa noong 2018 at may pondong P17.1 bilyon.





Comments