1,757 pasahero stranded kay bagyong Amang

UMABOT sa 1,757 pasahero ang na-stranded sa iba’t ibang daungan sa Central Visayas, Northern Mindanao, Eastern Visayas at Southern Visayas dahil sa Bagyong Amang.
Sa pinakahuling monitoring ng Philippine Coast Guard na inilabas alas-12:00 ng tanghali kahapon, bukod sa mga na-stranded na pasahero, may 347 rolling cargoes, 55 vessels at 11 motorbancas ang stranded sa lugar.
Inabisuhan ng PCG ang lahat ng Coast Guard Station ng mga apektadong lugar na istriktong ipatupad ang Memorandum Circular Number 02-13. Gayunman, sa sandaling gumanda na ang panahon ay agad paglalayagin ang mga pinigil na pasahero at mga barko.
Nabatid na nagbago ng direksiyon ang Bagyong Amang na patungo na sa Leyte-Samar area, kahapon.
Itinaas naman ng PAGASA ang Tropical Cyclone Warning Signal (TCWS) No. 1 sa Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Eastern Bohol, Northern Cebu, Surigao del Norte at Dinagat Islands.
Alas-7:00 ng umaga, huling namataan ang Bagyong Amang sa bisinidad ng Guiuan, Eastern Samar dala ang lakas ng hangin na aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at bugsong 60 kilometers per hour.





Comments