Game na game raw siya sa part 2 nila… PACQUIAO, HINAMON SI MAYWEATHER

Anj Cabilla / PAK ANG GANAP!

WAGI ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao via unanimous decision kontra sa Amerikanong boksingerong si Adrien Broner sa ginanap na boxing match nila kahapon (January 20) sa Las Vegas, Nevada.
Hindi man ganu’n kaingay ang laban ni Pacquiao ngayon kumpara sa mga dati niyang laban na tila tumitigil ang mundo at hindi na halos lumalabas ng bahay ang mga Pinoy dahil inaabangan at tutok talaga sa bawat round at bawat suntok na pinapakawalan ng Pambansang Kamao, sinuportahan pa rin ng ating mga kababayan ang laban ni Pacman.
Ang ilang celebrities at politicians nga ay lumipad pa pa-Las Vegas para lang mapanood nang live at suportahan ang laban ng nag-iisang Pambansang Kamao.
Ilan lang sina Ruffa Gutierrez, Lovi Poe, Korina Sanchez at Lolit Solis sa mga sumuporta at lumipad sa Amerika para panoorin ang laban ni Sen. Pacquiao.
Say ni Ruffa sa kanyang recent post sa Instagram para suportahan ang senator-boxer, “Returning to Vegas today is our People’s Champ @mannypacquiao who’s set to fight Adrien Broner today. We are cheering for you Manny!!!! #pacquiaobroner #mannypacquiao #PinoyPride”
Ipinakita rin ng Kapuso actress na si Lovi sa kanyang Instagram ang pagsuporta kay Manny kung saan ay lumipad din siya pa-Las Vegas para lang panoorin ang laban nito.
Sa sunud-sunod na stories ni Lovi, ipinakita niya sa mga netizens ang kanyang bonggang outfit para sa Pacquiao vs. Broner fight, na tila kinabog pa nga ang outfit ni Jinkee Pacquiao (misis ni Manny), na nakasuot lang ng simpleng Valentino white dress.
Ipinakita rin ni Lovi ang prestihiyosong golden World Boxing Council boxing belt at nilagyan ng caption na, “All for me.”
Muling ipinamalas ni Manny ang kanyang lakas at liksi sa loob ng ring at pinatunayan din niya sa lahat na hindi pa niya oras para magretiro sa boxing.
Kaya ang sigaw ng marami ngayon ay ikasa uli ang laban kontra kay Floyd Mayweather, Jr.. At game na game nga ang Pambansang Kamao rito.
Aniya, “I’m willing to fight with Floyd Mayweather again, if he is willing to come back to the ring.”
Kaya alam na ang susunod na aabangan!





Comments