Re-routing ngayong pista ng Sto. Niño
- Mylene Alfonso
- Jan 20, 2019
- 2 min read

MAGPAPATUPAD ng re-routing ng mga sasakyan ang Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ngayong araw bilang pagbibigay-daan sa gaganaping prusisyon at “Buling-Buling” sa pista ng Sto. Niño sa Maynila.
Alas-2:00 ng madaling-araw pa lamang, isasara na ang mga kalsada na daraanan ng ruta ng prusisyon na magsisimula sa Sto. Niño Church patungo sa Lakandula St. kanan sa Asuncion St., kanan sa Morga St., kaliwa sa Juan Luna St., kanan sa Pacheco St., kanan sa Sta. Maria St., kaliwa sa Herbosa, Velasquez at Perla Sts., kanan sa Sta.Maria St., tatawid sa J. Nolasco St., kaliwa sa L. Chacon St. hanggang sa makabalik sa Simbahan.
Ang ruta ng prusisyon ay may habang 4.7 kilometro kung saan nasa 500 miyembro ng MPD ang itatalaga para magbigay ng seguridad sa prusisyon.
Agad namang bubuksan ang mga kalsada sa sandaling makadaan na ang buntot ng prusisyon.
Sa re-routing ng mga sasakyan, lahat ng Public Utility Jeepneys (PUJs) mula sa Caloocan ay pinakakaliwa sa Tayuman St., kanan sa Dagupan St. papunta sa destinasyon. Habang ang lahat ng PUJs mula sa Tayuman St. ay dapat dumiretso sa Capulong Road, mag-U turn sa Raxabago St. patungo sa destinasyon.
Ang mga sasakyan naman na gagamit ng Moriones St. ay dapat dumiretso sa R-10 papuntang destinasyon.
Samantala, ang mga sasakyan na daraan sa Lakandula, Asuncion, Sto.Cristo Sts. papuntang Divisoria via Zaragosa St. ay dapat kumanan sa Delpan St. papunta sa destinasyon.
Ang mga sasakyan na manggagaling sa Infanta St. na daraan sa Velasquez-Infanta Bridge papunta sa C-2 Capulong Road ay pinadidiretso sa Honorio Lopez Blvd. papunta sa destinasyon.
Pinakakanan naman sa Jacinto St. ang mga sasakyan na manggagaling sa Vitas St. papunta sa destinasyon.
Pinayuhan din ng MPD ang mga matanda at mga may sakit na iwasan na ang pagsama sa prusisyon at iwasan na rin ang magdala ng mga bata.





Comments