top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Kaugnayan ng “kakaibang boksing” sa kinabukasan ng bansa

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 20, 2019
2 min read

“Tiyak na walang trapik ngayong Ling­go ng umaga,” ito ang bu­kambibig ng drayber ng taksi na nasakyan natin noong isang araw. Hindi natin naintindi­han kung ano ang tinutukoy ng drayber kaya tinanong natin ito kung bakit, “laban nina Pacquiao at Broner. Siyempre, maraming manonood nito,” sagot nito.

Noong lumalaban ang Pambansang Kamao para sa kanyang napiling sport, malinis at wala itong bahid ng politika o relihiyon ngunit, tila ibang-iba na ang boksing ngayon.

Samantala, sunud-sunod ang mga kasong kailangang harapin ni Senator Antonio Trilla­nes IV. Kadi-dismiss lang ng isa, heto na naman at tila hindi na ito matatapos hanggang hindi nakukulong o bumibigay ang senador. Gayunman, handa pa ring lumaban si Sen. Trillanes.

Magkaiba ang pag­hahanda na kailangan ng dalawa. Gayunman, walang “talo” si “Pac­man” sa kanyang mga laban dahil manalo o matalo ay may bayad siya. Kapansin-pansin ang mga kalabang ibinibigay sa kanya. Halos lahat ay mas mababa ang kategorya kumpara sa Pambansang Kamao. Ito ang paliwanag ng kaibigan natin, “eksay­ting ang mga laban niya, pero pansinin ninyo nang husto ang kanyang kalaban, karamihan ay malayo ang “boxing record” kumpara sa kanya. Sobrang layo at tunay na lamang ni “Pacman” sa mga ito.

Paniguradong manonood ang marami dahil mahal nila si “Pacman” at dagdag pa na paborito nila ang boksing at ang “pusta­han”. Paniguradong marami na namang pustahan ngayong Ling­go. Pansamantalang lilihis ng atensiyon ng marami sa laban nina Pacquiao at Broner.

Samantala, hindi nagtagal, lumahok na rin ang dalawang Obispo sa “kakaibang boksing” na ang gina­gamit ng isang panig ay mga paninira, pang-iinsulto at mara­has na pananalita habang ang gamit naman ng kabi­lang panig ay mga salitang sumasalag ngunit, hindi bumababa sa libel ng pang-iinsulto, paninira at karahasan. Kaya pag­katapos magbitiw ng hamon sa mga tambay ang pangulo na, “mayayaman ang mga Obispong ‘yan kaya kayong mga tambay holdapin ninyo ang mga ‘yan.” Sa ganitong banta, ito ang naging sagot ng isang Obispo: “Hina­mon ko kayo pangulo na maglakad sa mga kalye na walang guwardiya at walang suot na bullet proof vest.” Dagdag pa ng pangalawang Obis­po, “matagal nang buhay ang Simbahang-Kato­lika, mahigit dala­wang libong taon na. Tiyak na mauuna kayo sa kanya. Bakit ba may­roon kayong malalim na galit sa inyong puso?”

Matatapos ang laban nina Pacquiao at Broner ngayong Linggo ngunit, magpapatuloy ang kakaibang boksing ni Sen. Trillanes, mga Obispo at ng pangulo. Ito ang higit na mahalagang boksing, walang pustahan at hindi lang ang kinabukasan ng isa o dalawang tao ang nakataya kundi ang kinabukasan ng buong bansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page