Albularyo na hindi makapagpagaling
- BULGAR

- Jan 20, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Lolibee ng Lolibee_Buena@facebook.com
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin kapag nanggagamot ka sa panaginip? Albularyo raw ako, tapos mayroon akong ginagamot. Kaso ‘yung idinarasal ko ay mali, kulang-kulang kaya hindi ko mapagaling ‘yung ginagamot ko.
Naghihintay,
Lolibee
Sa iyo Lolibee,
Nakatutuwa ang panaginip mo dahil bihirang mapanaginipan ang pagiging albularyo.
Pero, sa totoo lang, hindi mahirap paniwalaan na ang mga “bulong”, orasyon o dasal ay sumasablay din dahil akala ng albularyo, ang dasal niya ay Latin, pero ang totoo, hindi talaga Latin ang kanyang mga bulong. Ito ang malaking pagkakamali ng mga Pinoy.
Kapag ang dasal ay hindi galing sa sinaunang Kristiyano, sure na sure na ito ay hindi Latin dahil ang wika na ginamit ni Kristo sa pagtuturo sa mga tao ay wikang Aramayko at ang iba pa ay wikang Griyego. Kaya paano naging Latin ang wikang Aramayko at Griyego?
Kapag ang dasal o orasyon ay galing sa relihiyong Hinduism, hindi ba, ang dasal ay hindi Latin kundi wikang ginagamit ng mga Hindu? Lalo na ang dasal mula sa China, tiyak na hindi ito Latin.
Dahil sa maling akala ng mga albularyo tungkol sa ginagamit nila, hindi nakapagtataka kung walang bisa ang mga ito. Lalung-lalo na ang mga orasyong kung saan-saan lang nanggaling.
Pero, ang panaginip mo ay nagsasabing, ikaw mismo ay may sakit o karamdaman, ang tanong, bakit hindi ito gumagaling? Ito ay dahil ang sakit mo ay lungkot kaya wala itong gamot, hindi tatalab ang mga orasyon at anumang medisina na mabibili sa mga botika.
Eh, kung ganu’n, ano ang magpapagaling sa iyo? Eh, ano pa nga ba kundi ang saya, kaya magsaya ka at makikita mo, kakaibang sigla ang mapasasaiyo.
Mahirap magsaya kapag malungkot, kaya narito ang ilang mga simpleng paraan upang maiwasan mo ito:
Palagi mong isuot ang paborito mong damit.
Kumain ka ng paborito mong pagkain.
Mamasyal ka sa paborito mong lugar.
Makipag-ugnayan ka, as in, makipagtsikahan ka sa paborito mong tao.
Gawin mo ito dahil ang lungkot ay puwedeng pagmulan ng tunay na sakit na kung tawagin ngayon ay depresyon.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo




Comments