Pagbibigay-tulong para sa mga kaawaawang magsasaka sa Cordillera, dapat lang!
- BULGAR

- Jan 19, 2019
- 2 min read
ANG mga lolo at lola natin n’ung araw kapag nakasasabay nating kumain ay
masyadong istrikto.
Madalas, nakaririnig tayo ng mga salitang, “kainin mo lahat ‘yang pagkain mo. Masama ang magsayang at magtapon ng pagkain.
Magagalit ang Diyos at magtatampo ang grasya. Hala, sige, ubusin n’yo ‘yan!”
Ganu’n tayo magpahalaga sa pagkain dahil sabi nga, biyaya ito ng langit, pero nitong mga nakaraang araw, talagang ikinalungkot natin ang nangyari sa ani ng ating mga kaawa-awang magsasaka sa Cordillera.
Siguro naman, napanood nating lahat sa mga balita sa telebisyon at narinig sa radyo o nabasa sa diyaryo ang tungkol sa mga itinapon na pananim o kaya ibinenta na lamang nila nang palugi.
Pinaghirapang pananim na parang ipinamigay na lang matapos anihin dahil nag-oversupply.
Labag man sa kalooban ng mga kawawa nating magsasaka na itapon ang mga nabulok na tone-toneladang gulay at prutas na hindi na naibenta, wala silang magawa dahil hindi na rin naman nila mapakikinabangan ang mga ‘yun.
Sabi ng general manager ng Benguet Farmers Marketing Cooperative na si Agot Balanoy, nagkaroon umano ng oversupply ng mga gulay dahil naantala ang kanilang pag-aani.
Isang buwan daw kasing palaging malakas ang ulan at may dumaan pang bagyo dahilan para hindi sila makapagani sa tamang panahon.
Ang nangyari, ang mga dapat inani nila noong Disyembre, ngayong Enero lamang nila naasikaso.
Malaking pagkalugi ang inabot nila dahil dito. Ang resulta, kailangan daw nila ulit mangutang para muling makapagtanim.
Nagpahayag ang Department of Agriculture na handa silang magbigay ng suportang pinansiyal kung kinakailangan.
Bagaman, masasabi nating makatutulong ito sa mga magsasaka, para sa inyong lingkod, hindi lang sa pagpapautang maaaring makatulong ang gobyerno sa kanila, dapat mayroong longterm solution at hindi lamang ang pagpapautang.
Ganyan din ang panawagan ng mga magsasaka kaya sana, pakinggan tayo ng pamahalaan.
Ang suhestiyon natin dito, maglaan ang DA ng mas marami at mas malalaking pasilidad para maiwasan o maresolba ang oversupply ng mga ani.
Sa ganitong mga usapin kasi, dapat may agarang aksiyon ang gobyerno at dapat ang mga magsasaka natin ay may malalim ding kaalaman sa agriculture technology upang mas maging epektibo ang kanilang operasyon.
Maaari ring makipag-ugnayan ang pamahalaan sa big buyers para matiyak na mabibili ang mga pananim ng mga magsasaka tulad ng gulay at prutas.
Tulungan sana natin ang mga taong nagpapakahirap para mayroon tayong makain at mailatag sa hapag-kainan — sila ang ating mga magigiting na magsasaka.





Comments