Itlog na nililimliman ng manok
- BULGAR

- Jan 19, 2019
- 1 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Eddie ng Eddie_Vales@facebook.com
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko, ‘yung itlog daw ng manok ay nililimliman, pero nagulat ako dahil ‘yung mga itlog ay nakabitin at maraming nakadikit sa mga ito, tapos, ‘yung apo ko, tinuklap daw ‘yung balat ng itlog kaya lumabas ang mga sisiw.
Natuwa raw ako dahil ‘yung mga sisiw ay malalaki, kakaunti ang balahibo at puti ang kulay.
Sana, masagot ninyo ito.
Salamat!
Naghihintay,
Eddie
Sa iyo Eddie,
Maraming pinanggagalingan ang mga suwerte sa buhay.
Ang una ay dahil sa sikap, ito ang mga taong nagsikap nang nagsikap hanggang sa matupad nila ang kanilang mga pangarap at nang makita ng lahat na sila ay maunlad na, ang sabi ng mga nakakakilala sa kanila, “ang taong ito ay sinuwerte sa buhay”.
May mga nagsunog ng kilay sa pag-aaral at nang umasenso dahil sa natapos na larangan, ang sabi ng mga tao sa kanila, “ang suwerte naman”.
Ganito rin ang naranasan ng mga nagtipid na halos hindi na kumain para makaipon.
Mayroon ding ang magulang ay nangutang nang nangutang para lang maitaguyod ang kanyang pamilya.
Pero, suwerte nga ba sila? Oh, kaya lang sila yumaman ay dahil sa mga pinagdaanang hirap sa buhay, kumbaga, hindi kaagad gumanda ang buhay nila kaya hindi rin masasabing suwerte sila?
Eh, kung ganu’n, sino ang tunay na masuwerte? Eh, sino pa nga ba kundi ang nakaranas ng magandang buhay simula noong bata pa sila.
Samantala, ibinabalita ng iyong panaginip na aani ka ng magagandang kapalaran nang dahil sa paghihirap ng iyong kapwa.
Kaya, ikaw, Eddie, ang tunay na masuwerte!
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments