Nalamang crush ng GF, ginulpi | GRADE 11 PATAY SA 3 KAESKUWELA
- Jeff Tumbado
- Jan 18, 2019
- 1 min read

PUMANAW na ang 19-anyos na Grade 11 student na dalawang araw na-comatose makaraang pagtulungan umanong gulpihin ng tatlo niyang kaeskuwela sa loob ng kanilang paaralan sa Mangaldan, Pangasinan.
Nauna nang isinugod sa ospital ang biktimang si Kenneth Langit, makaraang mawalan ng malay dahil sa tinamong pananakit mula sa mga suspek na nasa kostudiya na ng pulisya.
Kinilala ang mga suspek na sina George Maramba, Jason Soriano at Jay-R Biagtan, na pawang Grade 12 students.
Batay sa imbestigasyon, palabas na ng canteen ng paaralan ang biktima nang lapitan ni Maramba at pinagsusuntok.
Lumaban si Langit pero, sumaklolo umano ang dalawa pang suspek at sumama na sa pananakit sa biktima.
Nakalabas pa ng canteen ang biktima bago mawalan ng malay. Ayon sa tiyuhin ng biktima, lumitaw na may pagdurugo sa utak ng kanyang pamangkin.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na posibleng selos ang ugat ng gulo dahil nagkakagusto umano kay Langit ang nobya ng isa sa mga suspek.
Sumuko sa pulisya sina Maramba at Soriano, habang naaresto sa manhunt operation si Biagtan.
Tumangging magbigay ng pahayag sina Maramba at Soriano, habang iginiit ni Biagtan na wala siyang kasalanan.
Nabatid na overseas Filipino worker ang ina ng biktima.





Comments