Mag-ina tiklo sa P27-M shabu

NASA P27 milyon halaga ng hinihinalang shabu na nakalagay sa loob ng lata ng tomato sauce ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isang mag-ina sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat, tumitimbang ng apat na kilo ang nasamsam ng mga awtoridad na iligal na droga na naka-pack sa dalawang kahon at idenilever sa isang residente sa Bgy. San Roque.
Ang package ay galing umano ng Las Vegas City sa Nevada, USA.
“After naming ma-intercept ang illegal drugs sa airport, nag-conduct kami ng controlled delivery para tumuluy-tuloy ang items doon sa consignee,” pahayag ni PDEA Central Luzon Regional Director Atty. Gil Pabilona.
Kinilala ni Pabilona ang tumanggap ng naturang package na si Edna Valenzuela na inaresto ng mga awtoridad kasama ang kanyang 22-anyos na anak na babae.
Iginiit naman ni Edna na hindi niya alam na shabu ang laman ng package at sinabi nito na inutusan lang siya ng isang kaibigan na tanggapin ang delivery at pinangakuan na makatatanggap siya ng pera bilang kabayaran.





Comments