Habang nagbibihis sa presinto | PULIS, SAPOL SA BARIL

SUGATAN ang pulis nang aksidenteng makalabit nito ang kanyang baril habang nagpapalit ng uniporme sa loob ng presinto sa Daanbantayan, Cebu.
Unang isinugod sa Daanbantayan District Hospital ang biktimang si PO1 Socrates Bacalso para sa paunang lunas nito na kalaunan ay inilipat sa Cebu Provincial Hospital sa Bogo City.
Ayon sa bagong talagang hepe ng Daanbantayan police na si Chief Inspector William Homoc, hindi sinasadyang nakalabit ni Bacalso ang kanyang service firearm na Glock 17 Gen 4 pistol habang inaalis ang magazine nito.
Ang resulta, tumagos ang bala sa kanyang kamay at dumiretsong tumama sa kaliwang binti nito.
Nabatid sa ulat na katatapos lamang ng shift o duty ni Bacalso at magpapalit na ito ng kanyang uniporme sa kanilang quarters nang mangyari ang insidente.
Si Bacalso ay bahagi ng bagong naitalagang police personnel sa Daanbantayan Police Station noong Enero 12 matapos maipasibak ang lahat ng tauhan nito dahil sa kawalan ng aksiyon sa pagsugpo sa iligal na droga sa lugar.





Comments