Bagaheng may droga na iniiwan, iba ang kukuha | BAGGAGE COUNTER NG MGA MALL AT SUPERMARKET, GAMIT SA
- Jeff Tumbado
- Jan 18, 2019
- 1 min read

GAMIT na rin umano ng mga illegal drug syndicate ang mga baggage counter sa malalaking malls at supermarkets.
Sa pagbubunyag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ginagamit ang mga counter bilang daanan ng mga bagahe na naglalaman ng iligal na droga para roon ibagsak at doon na rin mismo kukunin.
Sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino, isang tao ang aatasan para ideposito sa baggage counter ang package ng droga.
Matapos ito ay aatasan naman ang nasabing tao na ibigay ang numero sa isa pang contact na naroon lang din sa lugar na siya namang tutubos o kukuha ng idinepositong package.
Dahil dito, sinabi ni Aquino na madalas na idinadahilan ng mga naarestong drug courier na hindi alam ang laman ng bagahe na kanilang idineliber at hindi rin nila kilala kung sino ang pinagbigyan.
Sa ganitong pagkakataon, aminado si Aquino na nahihirapan ang PDEA sa pag-interrogate sa mga naaarestong suspek.
Giit pa ng opisyal na mahalaga umano na kumpleto sa surveillance camera o CCTV sa loob ng mga mall at supermarket upang mapadali ang pagsukol sa mga gumagawa nito.





Comments