Sa ngayon, dasal at nobena pa lang ang panlaban sa pork barrel na kanser sa lipunan
- BULGAR

- Jan 17, 2019
- 2 min read
AKTUWAL nang nararamdaman ang pagbabago sa kapaligiran.
Pero, hindi pa rin malinaw kung bababa pa ang presyo ng mga bilihin!
◘◘◘
Batay sa pahayag ng mga eksperto, imbes na bumaba, lalo pang tataas ang presyo ng mga produkto at serbisyo.
Apektado ang krisis sa trade war na idineklara ng U.S. at China na inaasahang lalo pang titindi sa mga susunod na buwan!
◘◘◘
Ang Pilipinas ay isa sa collateral damage sa naturang trade war.
Pero, maging ang presyo ng petrolyo sa World Market ay tumataas at ang halaga ng piso kontra dolyar ay bumabagsak!
◘◘◘
Pinatitindi ang krisis sa ipinatutupad na TRAIN Law kung saan pinapasan ang mataas na buwis na ipinapatong sa mga produkto.
Walang linaw kung paano mareresolba ang krisis na inaasahang magiging malala sakaling ipatupad ang TRAIN Law 2 na magpapataw pa rin ng karagdagang buwis!
◘◘◘
Ang problema, wala rin linaw o garantiya na ang buwis at taripa na ipinapataw ay magagamit nang maayos sa mga programa at proyekto.
Patuloy pa rin ang pagkakamal ng salapi ng mga opisyal ng gobyerno sapagkat nananatiling nakasingit sa annual budget ang pesteng pork barrel!
◘◘◘
Ang pork barrel ay tradisyunal na pinagmumulan ng kurakot o tongpats ng mga mambabatas at ehekutibo.
Ibinibigay kasi sa mga ehekutibo at mambabatas ang diskresyon kung ano ang espesipikong proyekto at kontraktor na siyang sanhi ng overpricing, ghost project at tongpats!
◘◘◘
Ang iskemang ito ay kinukunsinte ng burukrasya kabilang ang Hudikatura, Lehislatura, Commission on Audit, Ombudsman at Civil Service Commission.
Bigo ang Konstitusyon na mapigil ang iskema ng pork barrel sapagkat kinukunsinte ito mismo ng Malacañang na ginagamit ang iskema upang madiktahan ang desisyon ng Kongreso!
◘◘◘
Hindi ito ngayon lamang nagaganap, bagkus ito ay kanser sa lipunan na nakabaon sa sistema ng demokratikong institusyon sa bansa mula nang ito ay maging Republika.
Sa ngayon, wala pang solusyon maliban ang magdasal at magnobena!





Comments